Dapat talaga nag-aaral ako ngayon e. May limang exam ako next week, pero dahil nakakawalang-ganang mag-aral dito sa bahay, ito na muna ang aatupagin ko.
Bale naghanap ako ng mga tanong na walang kwenta — ‘yung mga tanong na parang namimilosopo lang — tapos papatulan ko sila isa-isa.
Alin ba talaga ang nauna, ang itlog o ang manok?
Kung magiging scientific tayo ano, ang tamang sagot ay itlog.
Ganito kasi ‘yan, mga bata. Narinig n’yo naman siguro ‘yung tsismis na nagmula raw ang tao sa unggoy, ‘di ba? Mali ‘yun, actually, kasi hindi naman talaga tayo mula sa unggoy — ang tao at ang unggoy ay kapwa nagmula sa parehong lahi ng primate.
So noong unang panahon, ‘yung mga unang tao ay hindi pa katulad natin. Nakahukot ‘yung likod nila, halimbawa, at wala pa silang opposable thumb. Siyempre humayo pa rin sila at nagpakarami tapos nag-survive ‘yung mga may katangian na mas advantageous para mabuhay. Kalaunan, dahil sa tinatawag nilang natural selection, nag-evolve ‘yung tao hanggang sa naging ganito na tayo.
So gaya ng tao, nag-evolve din ang mga manok mula sa mga sinaunang lahi ng ibon. Pero hindi gaya ng tao, ang mga ibon ay nangingitlog. Nangitlog nang nangitlog ‘yung mga sinaunang ibon hanggang sa ang lumabas e ‘yung magiging manok as we know them today. So by the principles of evolutionary biology, nauna talaga ang itlog.
Sources (para maniwala kayo sa akin): Now You Know: Which Came First, the Chicken or the Egg? by Merrill Fabry sa Time Magazine | Frequently Asked Questions sa Smithsonian National Museum of History
Bakit ang tabâ ng barbecue ay palaging nasa hulihan?
Tingin ko may kinalaman ito sa pagiging undesirable ng tabâ bilang pagkain. Kasi ‘di ba kung bumibili tayo ng karne, pinipili natin ‘yung may mas maraming laman kaysa tabâ? Lugi naman kung luyloy ‘yung tabâ tapos kakarampot lang ‘yung laman ‘di ba?
Pero at the same time, hindi mo naman maiiwasan na may tabâ sa karneng binibili mo, lalo na kung pakyawan ka kung bumili. Tapos kung nagbebenta ka ng barbecue, malamang hindi mo itatapon ‘yung tabâ kasi sayang naman, ‘di ba? At dahil maraming tao ang hindi mahilig sa taba, ilalagay mo ito sa medyo dulo. Parang pamparami lang ba, gan’un.
Nanghuhula lang ako dito a, so wala akong sources. Disclaimer na lang din na hindi talaga ako mahilig sa barbecue, tabâ man o laman. I’m more of an isaw person kasi, haha.
Bakit sa pineapple wala akong makitang pine, wala din akong makitang apple?
Ito ‘yung mga tipo ng tanong na kung itatanong sa akin nang harapan, siguro iirapan ko ‘yung nagtatanong. Witty ka na niyan? Ikinatalino mo ‘yung observation na ‘yan? Charet.
Pero ito, pro-tip: sa tuwing may tanong tayo tungkol sa pinagmulan ng pangalan ng isang bagay, gumamit tayo ng Google at isama natin sa search ang salitang “etymology.” So in this example, ang mainam na Google search ay “pineapple etymology.” At yamang narito na rin tayong lahat, ishi-share ko na sa inyo kung ano ang natuklasan ko sa Google.
May “pine” sa pineapple kasi kahugis nito ang pine cone. Kitang-kita ‘yan, sis, although hindi mo siguro ma-recognize kasi hindi naman common sa Pinas ang pine cones. Ganito hitsura n’un o, for reference:

O ‘di ba mukha namang pinya?
‘Yung apple naman, kaya hindi mo makita kasi hindi talaga siya obvious. Ayon sa Merriam-Webster dictionary, noong ancient times daw e apple ang tawag sa mga prutas na hindi pamilyar sa mga, umm, Europeo? Mga kolonisador? A basta ‘yung mga mananakop n’ung mga panahong ‘yun.
So ang tawag ng mga gago sa mga “foreign” na prutas noon ay apple. Ang peach, halimbawa, ay persicum na ang ibig sabihin sa Latin ay Persian apple. Meron ding earth apple (Jerusalem artichoke) at custard apple (papaya). E bilang mukhang pine cone ang pinya, tinawag nila itong pineapple.
Ngayon ko lang din na-realize na sobrang layo nito sa alamat ng pinya, ‘no? Pine cones tapos mata-mata? We’re sooo creative, charet.
Bakit kapag close kayo ng tao, open kayo sa isa’t isa?
Narinig n’yo na ba ‘yung konsepto ng mutual exclusivity? Sa probability theory, itinuturing na mutually exclusive ang mga bagay na hindi maaaring mangyari nang sabay. Tuwing nagru-roll tayo ng dice, for example, hindi pwedeng dalawa o higit pang numero ang manalo. So in this case, mutually exclusive ang anim na numero ng dice kasi isa lang sa kanila ang pwedeng mangyari sa bawat round.
Applicable din ang konsepto ng mutual exclusivity sa iba pang mga bagay. Sa COVID19 testing, halimbawa, either positive o negative ka sa virus. Hindi pwedeng both kasi kagaguhan na ‘yun, ‘di ba? Although I must say na pwedeng positive ka sa virus pero negative ka naman sa public opinion, which is pretty much the case with Koko Pimentel. ‘Yun kagaguhan talaga ‘yun.
So to circle back to the question, ang pagiging close at open sa konteksto ng pagkakaibigan ay hindi mutually exclusive. Pwedeng mag-overlap ang closeness at openness, lalo na’t hindi naman nila antithesis ang isa’t isa. Kumbaga sa synonym-antonym, hindi naman direct opposite ng “close friendship” ang “open friendship,” ergo posibleng close kayo ng tao pero open din kayo sa isa’t isa. #damingalam
Bakit tinatawag na corned beef ang corned beef e wala namang mais?
‘Yung corned sa corned beef ay may kinalaman sa proseso kung paano ginagawa ang corned beef noong araw. N’ung 1800’s kasi, ang brisket ng baka ay pini-preserve gamit ang maliliit na butil ng asin. Dry curing ang tawag sa proseso, tapos hugis mais ‘yung mga butil ng asin — corns of salt, ika nga — kaya naging corned beef ang tawag.
Hindi na gaanong common ang dry curing sa karne ngayon. Mas efficient na kasi ang paggamit ng brine o saltwater para mag-preserve ng baka, pero dahil corned beef na ang mas kilalang pangalan, hindi na ito binago pa ng mga manufacturer ng corned beef.
Fun fact: hindi ako kumakain ng corned beef, pero nabasa ko ‘yung curing process hanash sa librong On Food and Cooking: The Science and Lore of the Kitchen ni Harold McGee.
Not-so-fun-fact: may isang sobrang sexist na commercial ng corned beef noong 1950’s sa America. “It’s made for men, the Men’s Club way” — dios mio pati ba naman delata? Ugh. 🤮
Okay, hanggang dito na lang muna tayo. Marami pang nakakagagong tanong na masarap soplakin, pero kailangan ko na talagang mag-aral para sa finals. Sabi nga ng isang kaibigan, “Parang awa mo na tapusin mo na ‘yan! Para kahit katapusan na ng sanlibutan, masabi mo man lang na naging engineer ka!”
May point, ‘no? So bye for now, friends, kailangan ko nang mag-aral!
Nakuha ko ang mga tanong sa AnneGandaMo at mula naman sa Tribal Tribune ang featured image. Hindi ko pa napapanood ang Crash Landing On You. Baka patulan ko na rin siya in two weeks, pagkatapos ng mga exam ko.
Leave a comment