Freewriting on LB

Hindi ko na maalala ang eksaktong petsa kung kailan ako nagpunta sa LB kasama ng dalawang katrabaho. Oktubre yata iyon kasi katatapos lang ng semestre naming tatlo. Kinailangan naming maghanap ng lugar kung saan ilulunsad ang isang activity para sa (pesteng) dyaryo. LB ang napili namin kasi maraming mga murang resort at madaling puntahan. Personal na dahilan ko rin, siyempre, ang pamilyaridad ko sa lugar na apat na taon ko ring naging tahanan.

Magtatanghali na nang umalis kami sa Maynila. Sa Olivares kami bumaba kasi ‘yun ang lugar na alam ko. Pagdating doon, kain muna kami sa Jobi, saka naglakad-lakad at nagtanong-tanong. Nag-ikot-ikot lang kami buong hapon hanggang sa mahanap namin ang resort sa Calamba. Malawak at maganda–solb.

Mula Calamba, bumalik kami sa LB para uminom. Pero siyempre, kailangan muna naming chumibog kasi malalasing kami agad kung hindi kami kakain. Pumasok kami sa isang magandang kainan na hindi ko na maalala ang pangalan. Mukhang sosyal ‘yung lugar. Gawa sa recycled kitchen items ang mga dekorasyon, dim yellow light ang liwanag kaya may sosyal ambience. Pero nang binuksan namin ang menu, ‘tang ina nagulat kami sa presyo. Nag-debate pa kami kung itutuloy namin ang pagkain doon, pero sa huli, pasimple rin kaming lumabas kasi nga, mahal.

Sa LB Square na lang kami tumuloy. May pagkain tsaka alak–okay na okay. Dumating ang mga kaibigan ng isa naming kasama kaya humiwalay siya ng mesa. Dalawa kaming naiwan sa orihinal na mesa, kaya dalawa lang din kaming naghati sa dalawang pitsel ng cocktail.

Paubos na ang ikalawang pitsel, at hinatid ng isa naming kasama ang mga kaibigan niya papunta sa kung saan man sila nakatira, nang may dumating na mga nagrorondang pulis. ‘Tang ina meron pala talagang curfew sa LB. Kami naman, sige lang, game. Uubusin lang po namin ‘to, tsaka hintayin lang po namin ang kaibigan namin, tapos alis na po kami.

Dalawang beses akong umihi sa lugar na hindi naman talaga dapat iniihian. Sa unang beses, pumunta ako sa may CR pero nakakandado na ang mga banyo at wala na rin ang bantay. Dahil ihing-ihi na talaga ako, doon ako umihi sa likod ng upuan ng bantay. Wala na rin namang halos tao sa lugar kaya sige lang hanggang sa makaraos. Sa ikalawang beses, pumunta ako sa isang nakasarang stall. Madilim at wala na rin akong makita mula sa sulok na iyon, kaya wagas ang pag-ihi ko. Nakaraos din.

Dahil wala kaming matulugan, nakitulog kami sa labas ng dorm ng kaibigan ng kasama namin. Literal na labas ng dorm, kasi hindi man lang kami nakapasok sa pintuan. Pumasok lang kami sa gate, may mga bakal na upuan sa labas (doon siguro sila nag-eentertain ng mga bisita, manliligaw, etcetera), at doon kami nahiga. Maginaw, puta, at wala kaming mga baong kumot. Malamok din, kaya buti na lang lasing kami at hindi kailangang maghintay sa antok para makatulog.

Pero dahil sa kalasingan, medyo nawala ako sa sarili. Hindi ako kumportable sa kinahihigaan ko, daig pa namin ang mga palaboy, kaya tumayo ako at kumatok sa pinto ng dorm sa gitna ng gabi (o madaling araw?). Ang nasa isip ko noon: puta, gusto kong matulog sa kama sa loob. Tinamaan ng kagaguhan, sino ba naman ako para patuluyin nila ‘di ba? Bumukas ang pinto, at may isang ateng hindi ko kilala na humarap sa akin. Hindi ko na maalala ang usapan namin. Basta nang hindi ko na maintindihan ang nagaganap, kinabig ko ang pinto para isara ito at bumalik ako sa bakal na bench. Tang inang wasak lang.

Pagkagising sa umaga, mga alas sais, dumiretso kami sa Olivares para sumakay ng bus pabalik sa Cubao. Solid ang tulog ko sa byahe. Pagdating sa bahay, solid pa rin ang tulog ko. Nami-miss ko na tuloy malasing.

2 Comments

  1. bessclef

    Girl, sa Elbi ka rin pala nag-aral. Matagal na rin akong ‘di nakabalik. Nakakamiss ang siomai sa Papu’s. To hell with hygiene. Tsaka yung cake sa Mer-nel’s, da best pa rin! Hay buhay.

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.