Unsent

BAKA may kasalanan ako. Baka nga kasalanan na hindi ko sinabi sa iyo na sa sandaling panahon, nagkagusto rin ako kay J.

Kilala natin siya pareho. Mabait, nakikinig nang maigi sa mga kuwento, hindi tayo itinataboy kahit na hindi naman tayo ang pinakamagagandang babae sa mundo. Noong mga araw na pinag-iisipan ko kung gusto ko ba siya o hindi, pinigil kong magkuwento kahit kanino. Hindi ko naisip na ikuwento sa ‘yo, hindi dahil may ikinuwento ka sa akin. Matagal bago ako nagbukas kahit kanino, kahit kay L na isa sa mga bangko ko ng mga kuwentong “comparts.”

Hindi ko agad sinabi kahit kanino dahil ayokong magkuwento. Makapangyarihan ang pag-usal. Nagkakaroon ng anyo ang mga abstrakto, nagiging tiyak ang mga bagay na hindi tiyak. At noong mga panahong iyon, takot ako sa katiyakan.

Ngayon ko lang napagtanto: noong naglakas-loob kang magbahagi sa akin, marahil ay takot ka rin. At marahil inasahan mo na makapaglalakas-loob din akong magbahagi sa iyo dahil labas pa kay J, magkaibigan naman tayo. Siguro nga tama ka. Mas may inasahan ka sa pagkakaibigan natin kaysa sa akin. 

Nang magsimula kang lumayo, saka lang nag-sink in sa akin na apektado ka sa samahan namin ni J. At bilang masamang tao, hindi ko inisip na may mali ako. Lumayo ka e. Naging harsh ka sa akin. Naging toxic na makasama ka sa iisang kwarto (kaya wala ako sa despedida ni M, kasi alam kong nandoon ka at hindi ka matutuwa na makita ako). Paumanhin kung hindi ko inisip noon na lapitan ka at tanungin kung paano natin aayusin ang problema. 

Minsan, sinabi ni Kuya F na ang pinakamalalapit na kaibigan mo sa dyaryo ang magiging pinakamalapit na kaibigan mo hanggang sa pagtanda. Sinagot ko siya, sabi ko hindi lagi. Labas pa sa nangyari sa atin, naging mahirap talaga sa akin ang nakaraang taon sa dyaryo. Madalas magsanib ang personal at propesyunal na buhay namin. Isang araw, magtatawanan kami habang kumakain tapos sa susunod na araw, ni hindi kami kakain nang sabay-sabay. Natutunan kong wala akong permanenteng kakampi. Kahit pinakamalalapit na katrabaho, maaari akong talikuran, maski sa mga bagay na walang kinalaman sa presswork. 

Kaya nang lumayo ka, sa halip na subukang lumapit e pinili kong tanggapin na wala ka na. Ganoon ang naging personal na palisiya ko: kung ayaw sa akin ng mga tao, ayaw sa akin ng mga tao. Naging coping mechanism ko ang pagiging masama. Masama ako sa mga tibakchi, masama ako sa mga bata. Nagsawa ako sa kabe-breakdown sa banyo ng opisina, sa bahay, sa mga inuman. Sinabi ko sa sarili ko, maging bitch ka na lang para hindi ka masyadong masaktan.

Kaya nagulat ako noong bumalik at lumapit ka. Hindi ko akalain na gugustuhin mo pang isalba ang pagkakaibigan natin.

Paumanhin kung hindi ko ipinaglabang ayusin ang kung ano mang nasira sa atin. Nalulungkot ako ngayon pero magkalayo na tayo, wala na akong magagawa para makabawi. Hindi ko alam kung kailan tayo susunod na magkikita. Paumanhin kung hindi ko naisip na personal na makipag-usap sa iyo tungkol dito noong nasa bansa pa ako. Paumanhin sa mga nagawa ko. Paumanhin kung nasaktan kita. 

4 Comments

  1. zezil

    Ateng, ang ganda ng linyang to: Makapangyarihan ang pag-usal. Nagkakaroon ng anyo ang mga abstrakto, nagiging tiyak ang mga bagay na hindi tiyak. At noong mga panahong iyon, takot ako sa katiyakan.

    OH EM GEEE. Sarap lagyan ng “Jolens, 2013”

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.