MAAGA AKONG nagising kahapon para sa driving lessons. Hindi na ako naligo—wala naman sigurong paki ang instructor basta’t hindi ako nangangamoy.
Pagkatapos ng lessons, umuwi ako sa amin. Nag-browse ako sa internet hanggang nakatulog. Mga bandang alas dos ng hapon, nagising ako sa gitna ng panaginip na sabihin na nating “masakit sa puso.” Naka-focus ang panaginip ko sa huling araw ko sa Pilipinas. Wala raw ako sa opisina ng dyaryo (panaginip e), pero nasa harap ako ng computer, nagdadraft ng isang Facebook note—ng “goodbye Philippines” Facebook note. Idinetalye ko ang kalungkutang nararamdaman ko sa pag-alis. Ang guilt sa pagpasa ng responsibilidad. Ang nakaambang pagbitaw sa mabigat na bagahe at pagbuhat sa isa na namang panibagong pasanin. Naputol ang panaginip sa eksenang mega crayola ako sa eroplano. Parang cheapipay na pelikula, magkatabi sa iisang frame ang imahen ng Facebook note at ng pisngi kong nakadikit sa salamin ng eroplano habang tulala akong lumuluha.
Pagkagising, pagkadilat ng mata, may ilang segundong buffer period bago narinig ng diwa ko ang tunog ng doorbell. Bumangon ako, naglakad palabas ng kwarto, binuksan ang pinto sa sala.
“Hi. I’m looking for my ferret, can I go check your backyard?”
May dalawang segundo yata bago ako nakasagot ng, “I’m sorry what?”
“I’m looking for my ferret,” sabi niya habang isinisenyas sa kamay ang siguro’y hugis ng kanyang alaga. “Can I go see your backyard?”
“Sure go ahead.”
Takbo agad si ate sa likod-bahay. Nakatulala pa rin ako, tinamaan ng alimpungatan. Puti si ate, pero may kakaibang pilantik ang Ingles niya. Eastern European siguro, o pwede ring galing Middle East. Inisip ko kung anong pwede niyang gawin sa likod-bahay, o kung kailangan ba niya ng tulong sa paghahanap. Naisip ko ring ang arte ng alaga ate, ferret. Ngayon lang ako nagkaroon ng kakilalang may alagang ferret. Ilang sandali pa, kinuha ko ang jacket sa sofa, at sinundan ko si ate sa likod.
“Seema! Seema!” sigaw ni ate. Marahan niyang sinisipa ang malalagong damo, nagbabakasaling may lilitaw na ferret. Sinilip niya lahat—ilalim ng hagdan, ilalim ng trailer, likod ng mga paso. Pati ako, nakisama na rin sa pagsalat sa mga halaman at pagyuko’t pagsilip sa mga sulok na pwedeng puntahan ng nawawalang ferret.
“Maybe your pet will respond to food?” mungkahi ko, baka kasi parang aso lang ‘yun na pwedeng mauto sa karne o buto.
“No. No food,” sagot ni ate. Medyo kumunot ang noo niya, para bang iniisip na, ano tingin mo sa alaga ko, aso?
“Oh, okay.”
“I saw her go here. Seema’s young, she’s just five months!”
“Oh.” Wala nang masabi.
“If you see her, just shout ‘Seema’ and she’ll stop like this.” May demo si ate ng caught-in-the-act look. “Just grab her by your hand. Seema doesn’t bite, she’s very kind.”
“Okay, sure. Where do we find you?”
“There, just next door. Just knock.”
“Okay.”
“Thank you.”
“No problem.”
Naglakad si ate palayo, pauwi sa bahay nila. Pumasok na ako sa bahay at dumiretso sa kwarto. Nahiga. Muling nakatulog.