KANINA, HABANG lunch break sa trabaho, nag-ikot-ikot sa mall na malapit sa pinagtatrabahuan ko. Cheapaz ‘yung mall. Isang floor lang, at mabibilang sa daliri ang shops na naroon. Hindi sosyal ang ambience. Hindi man lang SM o Trinoma level. Ni hindi man lang Centris! Ewan ko nga kung bakit “mall” ang tawag d’un ng mga tao e.
Pero kebs. Habang nag-iikot, naisip kong pumasok doon sa bilihan ng used CDs at DVDs. Pumasok na ako doon dati, pero wala akong pera kaya hindi ako bumili. Hindi ko rin inisip na bumili kanina. Pumasok lang ako para magpalipas-oras.
May nakita akong hilera ng CDs na may label na “Asian.” Naintriga ako, ‘tol. Ang laki ng Asia, malay mo may mahanap akong interesting. Panay Viet at Chinese ang karamihan sa artists na naroon. Wala rin akong nakitang Pinoy, o Everybody Loves Irene (na Indonesian, at matagal na matagal ko nang gusto).
Pero nakakita ako ng LeeSsang! Alam kong pwede kong ma-download ang mga kanta nila online kung sisipagin akong mamirata. Kaya lang natuwa talaga ako e. Waw mehn. Ayos. Isa sa mga hiphop artists na nauunawaan ko kung bakit “critically acclaimed.” ‘Yung iba kasing hiphop artists, hindi ko pa magagap kung sa paanong paraan sila itinuturing na “mahusay,” gaya nina Jay-Z, Tupac, at Nas. Hindi ko sinasabing hindi sila mahusay a. Hindi lang talaga ako lubog sa pakikinig sa hiphop, kaya hindi ako pamilyar sa mga pamantayan. O maaari ring poppish ang tunog ng LeeSsang, kaya hindi naaasulto ang tenga ko kapag pinakikinggan ko sila.
Nang magpasya akong bibilhin ko ang Asura Balbalta ng LeeSsang, may pumasok na madungis na lalaki. Hindi naman mukhang taong grasa, pero hindi rin mukhang bagong ligo. Mahaba ang buhok niya, magulo, medyo kulot, at brownish-blonde ang kulay. Nakasuot siya ng sumbrero. Naka-flannel jacket at may puting t-shirt sa ilalim. Hindi makinis ang fez niya. May kaganapang malubak, pero hindi naman mukhang pinutakte ng mga bubuyog. Sakto lang.
Napangiti ako, kasi naisip ko, ‘tang ina, ang lakas maka-romantic ng set-up. Ang daming eksena pelikula na naganap sa mga tindahan ng CDs at DVDs, o kaya libro. Ilan sa mga halimbawa:

Pero siyempre walang nangyaring pag-uusap, o kahit tensyonadong tinginan. Nahiya naman akong lumandi ‘no? Wala ako sa mood! Loko lang, ‘tang ina. Pero totoo. Masyadong “strong” ang presence ni kuya. Madalas, lumalandi lang ang mga mata at ngiti ko kapag medyo mas malakas ang presence ko kesa sa target (target?). Ayokong ako ang mapapatigil, matutuyuan ng laway, at maninigas dahil hindi ko inasahan ang biglang buhos ng sari-saring pakiramdam. Ang arte ko lang, e ‘no?
Kaya ‘ayun, tumingin-tingin na lang ako at naghanap ng iba pang maaaring mabili. May mga nakita akong Ani DiFranco at Natalie Merchant. Gusto ko sanang bilhin ‘yung Ophelia ni Natalie Merchant kasi matagal ko nang hinahanap ‘yun. Nagdalawang-isip ako nang makita kong may iisang Anais Mitchell album sa hilera. Narinig ko na si Anais Mitchell dati, pero hindi ko pa siya natutukan. At naisip ko, baka marapat lang na makinig ako sa bago. Tutal, kilala ko na si Natalie Merchant; Anais Mitchell na muna ako ngayon. Now playing: The Brightness. So far, so good. Ayos.
Nga pala, hindi presyong pulubi ‘yang mga ‘yan. Halos $10 din ang bili ko sa bawat isa. Halos ka-presyo lang ng brand new. Hindi porke’t “used” na ang mga CDs, presyong “used” din ang mga ito. Mabuti’t mayroon akong isang buwan para ibalik kung sakaling hindi ko matripan ang mga kanta, o kung sira ang tracks—pero mukhang hindi ko na ibabalik ang mga ito. At nalamn kong maaari din akong mag-trade ng CDs at DVDs. Pwedeng cash, o exchange. Kapag nagipit, boom—sugod sa sanglaan ng kultura. Orayt.