NABASA AT napanood ko na ang Ender’s Game. Solid ang libro, pero ang korni ng pelikula. Muntik na akong maihi sa kakornihan. Nasaktan ang pantog ko. Bakit kasi gano’n?
Ang lamya ng character ni Ender. Sa libro, henyo siya. Matalino, mahusay na tactician, binabasa niya ang kilos ng ibang tao at ginagamit iyon para hindi siya madehado. Kaya siya mahusay, kasi empathic siya, pero hindi rin takot manakit ng iba. Maraming galit sa kanya, pero marami rin ang nirerespeto ang kahusayan niya.
Sa pelikula, pagkatanggap niya sa Battle School, hindi ipinaliwanag kung bakit may “special treatment” sa kanya si Graff (Harrison Ford). Walang malinaw na dahilan kung bakit sini-single out siya ni Tanda. At nang sinuway niya si Bonzo at nanalo ang Salamander, boom, commander na agad siya bigla-bigla.
Nakakainis din na walang pagpapalalim sa character ng ibang kids. Keri, pelikula ito at may budget/time constraints, pero ano ba naman ‘yung naging special si Petra over the other kids? Nakakairita rin ‘yung “Salaam” scene nina Ender at Alai. Pinagpilitan? Walang context, biglang cut sa isang eksena sa corridor, at pagkatapos ng “salaam” exchange, cut na sa iba pang eksena. Tinamad yata ang direktor.
Kung may character na dapat ginawang mas mahalaga, si Bean ‘yun! Ayos lang na minor levels lang si Valentine (at sina Demosthenes at Locke/Peter). Ayos lang kahit maetsapwera sina Alai at Dink dahil sa time constraints. Pero malaki ang maitutulong ni Bean para mapalalim ang character ni Ender. Dahil kay Bean, maha-highlight na henyo si Ender, at na kaya niyang maging leader—nakikinig sa kanya ang mga tao, kahit si Bean na mokong at equally matalino. Tsaka ang kyut kaya ni Aramis Knight!
Nakakainis din na ang corny ng pelikulang ‘to. Disney levels yata ang target audience, ewan ko. ‘Yung tono ng pelikula, hindi dark gaya ng inasahan ko. Sa libro kasi, natimang-timang si Ender. Mina-manipulate siya Battle School pa lang. At sa libro, competitive ang mga bata. Habang binabasa ko ang libro, naisip ko pa ngang, hmm, may Lord of the Flies mode ba ito? Wala naman. Pero dama mo sa libro na mga bata sila na hindi bata. Handa silang pumatay (hello Bonzo) at nag-aaway sila over game victories. At malinaw sa libro kung bakit magkakaibigan sina Ender at Petra at Dink at Bean. Sa pelikula, wala, sila lang ang chosen ones. Sila raw ang bida e, so kebs na kung may napatunayan ba sila o wala.
Isa sa pinaka-heartwarming na bahagi ng libro ay n’ung nalaman ni Ender na kasama niya sa Eros sina Bean. ‘Tang ina mehn, natuwa ako para sa kanya! Itong si kuya, kawawa naman, walang kare-redemption ang buhay niya, pero boom, at least he has friends. Aww. At n’ung natimang-timang na siya sa dulo, at natapos na ang post-war gera (waw), n’ung tumatawa’t umiiyak ang kids sa kwarto ni Ender—aw shet mehn, pwede ko ba kayong yakapin? Hay. Walang gan’on sa pelikula. May action, may intensity (sa last game), pero walang depth at motivations ang mga tauhan. If done right, I don’t think magiging korni ang mga eksena.
Anyhoo, akala mo naman fangirl talaga ako e ‘no? Hindi naman. Wala nga akong balak basahin ang mga sumunod na libro sa series e. Pero interesado ako sa Ender’s Shadow, dahil kay Bean. Sana gawan nila ng pelikula si Bean (kahit mukhang flopchina ang idea). Baka sakaling magka-interes pa akong manood sa sinehan.
Galing ang featured image sa IMDB