Pinanood ko ang pelikulang ‘to dahil kay Robert Redford, na para sa akin ay pogi in a very Republican way. Alam mo ‘yun? Matangkad, mestizo, blonde, ma-panga, clean cut. Parang ipinagkaloob sa kanya ang lahat ng katangiang maaaring hilingin ng isang lalaki—at least ayon sa pamantayan ng Kanluran (o ng mundo, kasi hello, aminin na natin).
Si Barbra Streisand naman, sa kabilang banda, mukhang gelfling. Hindi ko sinasabing pangit siya, pero may sa gelfling talaga ang mukha niya.

Pulitikal ang motif ng pelikula. Tibak-tibakan si Katie (Barbra), samantalang sheltered, cultured athletic type naman si Hubbel (Robert). Nagkakilala sila noong college, pero taon ang lumipas bago sila naglandian.
Obviously, conflicting ang ugali at preferences ng dalawa. Sa mundo ni Hubbel, nuisance ang mga tibak gaya ni Katie (and I’m using the word “tibak” loosely here, kasi hindi ko tiyak kung gaano nga ba ka-radical ang political disposition ni Katie). Para kay Katie, masyadong condescending ang mga kaibigan ni Hubbel—hindi nila siniseryoso ang pulitika at ang “social issues” sa bansa nila.
Kaya nga, sa totoo lang, hindi ko maunawaan kung bakit ba sila naglandian nang wagas. To be fair kay Hubbel, ilang beses din naman niyang sinubukang umatras. May mga “we’re not gonna work” shit na naganap, pero mapilit itong si Katie. Kung tutuusin, parang may aning-aning si ate. Crush na crush niya talaga si koya, at ayaw niyang mabuhay nang wala siya.
At least noong una. Eventually, na-realize din niyang hindi magbabago si Hubbel, at na higit na mas malaki ang pagkakaiba nilang dalawa kaysa sa “pag-ibig” na nararamdaman niya. Hayayay. Kinailangan pang makipag-sex ng asawa niya sa ibang babae, bago dumating ang epiphany.
Si Katie ang bida, pero damang-dama ko ang “manliness” ng pelikula. Baliw-baliwan si Katie rito. Para bang being passionate about political convictions = being cray-cray. At sobrang manly n’ung eksenang nasa bangka sina Hubbel at JJ—ang ex-husband ng babaeng kinadyot ni Hubbel. Jusko. Tumutungga ng beer habang pinag-uusapan ang mga babaeng essentially pinagpasahan nila. O e kayo na ang manly.
Siyempre hindi nagkatuluyan sina Katie at Hubbel sa huli. Hindi naman kataka-taka dahil The Way We Were ang title—past tense, ‘te. Pinanindigan ni Katie ang pagiging tibak. Hanggang sa huli, gora pa rin si ate sa paglaban para sa kung anek-anek na isyu. Si Hubbel naman, consistent sa kanyang “pa-safe” choices. TV writer na siya, kahit implied sa pelikula na kaya niyang maging novelist (for some reason, novel writers > TV writers daw).
May anak din pala sila, si Rachel, na walang screen time. Sa totoo lang, ‘yung anak nila ang tanging rason na nakikita ko kung bakit sila magkakaroon ng hang-up sa isa’t isa. Sa simula pa lang, dama nang hindi naman talaga sila bagay. Sa duration ng relasyon nila, ni hindi ko naramdaman na genuinely nilang sinubukang unawain ang isa’t isa (naramdaman ko ‘yun kay Katie, pero dahil lang inlababo siya kay kuya, at hindi dahil naniniwala siyang may point ang apathy ng asawa niya).
So no, I was not convinced. Mabuti na lang at pogi talaga si Robert Redford. At kahit gelfling si Barbra, ibang level din ang charms niya bilang aning-aning na tibakera.
Galing ang featured image sa Fine Art America.