Movie marathon

Dahil pansamantala akong tumigil magtrabaho (mahabang kwento), ang dami kong oras para magkamal ng cultural capital (o manood ng pelikula, para simple).

Screen Shot 2014-01-18 at 4.48.12 PM

Una kong pinanood ang Blue Jasmine (dir. Woody Allen). Kausap ko ang isang matalik na kaibigan ilang araw ang nakalipas, at pinapanood niya ito habang nag-uusap kami (ang polite, hindi ba?). Maya’t maya niyang nilalakasan ang volume ng pelikula para iparinig sa akin ang ilang dialog, pero umamin akong mehn, wala akong maintindihan. Ang hirap kayang “makinig” lang sa pelikula, lalo na kung walang maayos na context na nailatag.

Pero pinanood at nagustuhan ko ang Blue Jasmine. Needless to say, ang husay ni Cate Blanchett. Ganap na ganap ang kabaliwan niya. At medyo refreshing din ang “from riches to rags” angle sa isang Woody Allen film—at least batay sa mga napanood ko. Parati kasing upper middle class to legit upper class ang mga pamilya/tauhan sa mga pelikula ni Tanda.

Screen Shot 2014-01-18 at 4.55.19 PM

Pinanood ko rin ang Don Jon (dir. Joseph Gordon-Levitt). Na-disappoint ako. Sa unang 15 minuto pa lamang ng pelikula, malinaw na sa akin na dinadaot nito ang media at konsumerismo at ang nakakalokang “expectations” na iginigitgit ng mga ito sa ulirat ng mga tao. Halimbawa: porn para sa mga lalaki (real life sex is nothing like porn) at chick flick para sa mga babae (real life relationships is nothing like a Nicholas Sparks story). May paghagip din sa hypocrisy ng relihiyon.

Nakuha ko naman ang nais ipahayag ng pelikula. ‘Yun nga lang, sa tingin ko, nasayang ang 3/4 na bahagi nito dahil, ano, hanggang d’un na lang? Mabuti sana kung may build up, kung paunti-unting inimbak ng pelikula sa kokote ko ang gusto nitong maging. Pero ‘andun na e. Sabi ko nga sa isang kaibigan, masyado itong simplistic at obvious, pero ayos lang kasi hubad naman si JGL.


Dahil sa inis at umay, nagpasya akong panoorin ang We’re The Millers (dir. Rawson Marshall Thurber). Natawa ako sa ilang bahagi, nandiri sa ilan, at medyo napairap sa iba pa. Ayos lang. Sapat lang. Siguro mas nakakatawa ito kung may (mga) kasama ako na kasabay na tatawa/mandadaot/magko-comment sa mga kaganapan.


Kinaumagahan, pagkagising ko kanina, pinanood ko ang Her (dir. Spike Jonze). Maganda raw, sabi ng ilang kakilala sa Facebook. At maganda nga naman. Nagandahan ako. Hindi gaanong “malayo” ang paggagap ng pelikula sa hinaharap; nakikita kong magiging posible ang mga senaryo. Futuristic pero hindi gaanong fantastical. At sinsero ang mga tauhan.

May nabasa akong review (muli, salamat sa mga kakilala sa Facebook) na dinadaot ang “kawalan ng bayag” ni Theo Twombly, ang bida sa pelikula. Hindi ako sang-ayon, dahil sa tingin ko, hindi iyon ang nais ipunto ng pelikula. Hindi ako kumportable sa konsepto ng “walang bayag” (kahit na madalas ko itong ibinabato sa mga kaibigan ko, lalaki man o babae) dahil masyado itong, ewan ko, masculine? O sexist? Kung may “walang bayag,” meron ding “walang matris.” At mula sa ganyang standpoint, maituturing na wala ring matris si Catherine at si Blind Date from Harvard. Umuurong din sila, hindi ba?

Mas isolation ang sa tingin kong nais tumbukin ng pelikula—ang balintuna ng pagiging mag-isa sa mundong “konektado” sa napakaraming antas. Bagamat ang pamagat ay isang gender-based pronoun (masyado kasing gender-based ang Ingles; mabuti pa ang “siya” ng Filipino), sekundarya na lang siguro ang diskursong lalaki vs babae. At bilang babae, hindi ko naman naramdamang tinatadyakan ako ng pelikula sa likod. Sa totoo pa nga, “dumamay” ako kay Theo bilang tao, hindi bilang lalaki. At hindi rin naman nalalayo sa kanya ang plight ni Amy. At oo, ang “iba” lang ni Amy Adams dito. Humuhusay si madame.

Screen Shot 2014-01-18 at 5.13.02 PM

Pinanood ko rin ang About Time (dir. Richard Curtis), isang romantic comedy na may elemento ng time travel. May mga pagkakataong binali ng pelikula ang sarili nitong lohika—mahirap kasi talagang mapanindigan ang pagbali sa konsepto ng oras. Ang hindi ko inakala, nagustuhan ko pa rin ang pelikula. Marahil dahil sa sinsero nitong tono. Magaan at masaya, may kaunting bigat dahil sa mga tema ng paglisan at pagka-iwan, pero hindi nito ipinipilit ang sarili bilang hardcore science fiction film. Sa paraan pa lamang ng paglundag ng bida sa oras—magkukulong sa madilim na sulok at ikukuyom nang mahigpit ang mga kamao—batid nang hindi seryoso ang siyentipikong aspeto ng pelikula.

At kyut talaga ang bida, si Tim. Sabi sa akin ni Sokifu, type niya talaga si Jay Baruchel sa This is the End. As in solid, 10/10, she’ll bang. Si Tim ang ganoon ko.

3 Comments

  1. thinksayfeel

    Clap clap clap for Cate. Syet, ang galing nya maging baliw.

    Don Jon. Sakto. Buti si JGL yun.

    Her. I don’t know why it didn’t leave me something to ponder on. Ewan ko. Okay yung film pero feeling ko nalungkot lang talaga ko for Theo. So depressing.

    Like

    1. Jolens

      Ang lungkot ng Her ‘no? Tho may mga kakilala akong nagsabi na hindi nila ito nagustuhan, masyado raw pa-artsy at pa-deep ang premise. Pretentious, kumbaga. Sabi ko sana tiniis na lang nila hanggang dulo, kasi may kurot pa rin sa puso. 😦

      Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.