Nasa lahi namin ang pagkakaroon ng tililing.
‘Yung kapatid ng lola ko, si (Tita) Lola Nini, clinically diagnosed schizophrenic. Madalas daw kinakausap ni Lola Nini ang imaginary friends niya, sabi ng nanay ko. Dahil pagsasaka lamang ang pinagkakakitaan ng pamilya ni Lola Nini, gurang na siya nang ma-diagnose. Nag-ambagan ang mayayaman kong tiyahin—mga kapatid ni mama—para maipatingin sa duktor ang tita nila. Hanggang ngayon, nakatira pa rin si Lola Nini sa isang barong-barong sa tabi ng highway sa probinsya. Ewan ko kung may iniinom siyang gamot, o kung bumibisita pa rin siya sa duktor.
‘Yung isa rin sa mga kapatid ni mama—si Tita Dai—pinilit din nilang magpatingin sa duktor. Isang beses lang yata sumama si tita, pero hindi na pumayag ulit.
Noong bata pa ako, narinig ko sa usap-usapan ng mga matatanda na sumali raw si Tita Dai sa isang kulto. Minsan daw, nakita siya ng mga kapitbahay na naghuhukay sa bakuran sa gitna ng gabi. Nang tinanong, sinabi daw niyang may gusto siyang putulin na sumpa.
Hiwalay sa asawa si Tita Dai. Nakikitulog kaming magkakapatid sa bahay nila dati para makalaro namin ang tatlo niyang anak. Hindi pa ako masyadong mapanghusga noon, pero naaalala ko, may weird vibe nga ang bahay nila. Maraming abubot gaya ng mga krus na may kakaiba’t elaborate na disenyo, mga booklet na hindi ko mabasa ang nakasulat (marunong na akong magbasa n’un!), at mga natunaw na kandila (na pwede rin namang galing lang sa mga nakaraang brownout).
Tuwing gabi, oras ng pagtulog, ang lakas-lakas-lakas ng huni ng mga ibon sa labas ng bahay nila. As in parang may mass orgy ng mga birdy birds sa sobrang lakas! Sinubukan kong sumilip sa bintana pero masyadong madilim. Sobrang weirdo; hindi ko maunawaan kung saan galing, o kung bakit posibleng may ganoon karami at kalakas na huni ng mga ibon sa gabi. Tapos kinaumagahan, parang walang nangyari. Walang mga nalagas na balahibo, walang mga ipot o dumi. ‘Tang ina. Nightly avian orgies in Trece Martirez: one of life’s greatest mysteries. But I digress.
Noong nasa Pilipinas pa ako, lalo na n’ung kasagsagan ng gawain ko sa dyaryo, kinakausap ko ang nanay ko at sinasabi kong shet, parang mabubuang na ako. Sinasaway niya ako na ‘wag daw magbiro nang ganoon, dahil nga nasa lahi namin ang kabuangan. Biro naman ng kapatid ko, umuwi na raw ako sa amin (sa ibang bansa, kung saan ako nakatira ngayon) dahil baka matagpuan na lang ako ng roommate ko na nakaupo sa kama, yakap-yakap ang tuhod habang umuugoy at umaawit ng “la la la la la…”
Simula nang magkaisip ako (nine, ten years old?), kinakausap ko na ang sarili ko. Iba’t ibang senaryo. Maaaring ini-imagine ko na nakikichika ako sa isang kaibigan. Minsan, ibang personalidad ako at mga “fictional” na tao rin ang kausap ko. Minsan, iniisip kong duktor ako na may kausap na isa pang duktor, o filmmaker na nanalo sa Oscars, o babaeng nahuli ang boypren na may kasamang iba, o estudyanteng nakikipag-away sa teacher.
Binubuka ko lang ang bibig ko, pero walang tunog na lumabalas para hindi ako mapagkamalang aning-aning ng mga kasama ko sa bahay. Hindi rin pre-meditated ang mga senaryo na nabanggit ko. Hindi ko pinaplano na, a sige, kunwari duktor ako tapos ganito, ganyan. Lumalabas na lang. Habang nakaupo sa kama at nagla-laptop, biglang bubuka ang bibig ko at boom, ‘ayun na, tuloy-tuloy na akong “magsasalita.” Parang baliw.
Kanina sa trabaho, habang naghihintay ng gagawin kasi medyo boring, nagkaroon ako ng urge na gawin ang aking “silent monologues.” Muntik ko nang ibinuka ang bibig ko para magsalita. Matino pa naman ako para malamang pribado lang dapat ang mga pag-uusap namin ng sarili ko. Kanina lang nangyari na sumagi sa utak ko ang posibilidad na gawin ito sa publiko. Lumuluwag na ba ang turnilyo sa kokote ko?
Kanina rin, habang naglalakad ako papunta sa kotse, nakarinig ako ng isang malakas na “oops!” Akala ko may tao sa likod ko, pero paglingon ko, wala. ‘Yung pinakamalapit na tao sa akin, ‘yung nanay ko na isang block pa yata ang layo dahil mabagal siyang maglakad. Sino kaya ‘yung sumigaw sa akin ng “oops”?
Hay. In any case, kapag bumigay ako sa hinaharap, gusto ko lang ideklara na hindi na dapat iyon maging surpresa. Alam ko na ngayon pa lang ang mga signos na nagsasabing posible talaga akong matuluyan.
#perowagnamanposana