Napakaliit ko kumpara sa napakalaking mundo. At pakiramdam ko’y napakaliit din ng mga problema ko kumpara sa mga suliranin ng mundo.
Ngunit hindi ko pa rin mapigilang malungkot. Sa tuwing nilalamon ako ng mga munti kong pighati, nahihirapan akong magpumiglas. Parang bangungot. Sinasakal ako ng isang hunghang na payaso; nanlalaban ako ngunit may bahagi ko na handang magpasakal dahil sa pananalig na magigising din naman ako matapos ang ilang segundo, o minuto.
Kung bakit ba kasi mabilis akong talaban ng pinakamahinang pitik, ng pinakamalumanay na suntok (o pagtatambis ba itong maituturing?). Kanina sa trabaho, inaway ako ng isang ale dahil mali ang presyong sinabi ko sa kanya. Noong isang araw, nabusinahan ako ng isang sasakyan dahil mabagal ang andar ko. Nalaman ng boss ko na nakapasok lang ako sa trabaho dahil sa nanay ko. At iba pa, at iba pa.
Bakit naninikip ang dibdib ko sa mga simpleng problema?
Sa UP, tuloy na tuloy na ang academic calendar shift. Kung mapaninindigan ito hanggang sa mga susunod na taon o dekada, marahil tuluyan nang mawawala sa hinagap ng simple (o sige, mahirap o pureza) na magulang ang posibilidad na mapag-aral ang anak niya sa pamantasan ng bayan. May mga magsasakang hinaharas, mga commuter na araw-araw binubuno ang kasuklam-suklam na mga kalsada ng Maynila, mga manggagawang ilang dekada na sa trabaho ngunit kontraktwal pa rin ang estado. Ang sakit.
Batbat ng kontradiksyon ang kokote/puso/sikmura ko. Halo-halong tindig—pasasalamat na nakakaririwasa ako kumpara sa iba, pagkamuhi sa sarili dahil wala akong maiambag upang makariwasa rin ang iba, pagkamuhi sa ideya ng “mariwasa,” at iba pa, at iba pa.
Putang ina. Tatapusin ko na lang ang munting litanyang ito sa pinakamainam na paraan ng pagtakas at pag-iwas: hindi ko alam.