Dear John,

Hindi mo ako kilala at hindi rin kita tunay na kakilala. Bukod sa guro natin, wala pa akong ibang taong narinig na tumawag sa iyo ng “John.” Hindi ko tuloy tiyak kung iyan nga ang palayaw mo para sa mga taong malapit sa iyo.

Laman iyon ng mga daydream ko, John: ang mapalapit ako sa iyo. Mababaw lang naman ang mga dahilan. Malalim ang boses mo, magulo ang buhok mo, at mukha kang matalino. Sa madaling salita, John, ang gwapo mo.

Noong una kitang nakita sa Physics, inisip ko agad, pogi, malamang may girlfriend na. O pwede ring bakla. Ano’t ano man, wala akong pag-asa. Sabi nga ng bwisit na batang nakalaro ko ng ten-twenty sa isang baryo sa Laguna, “Ate, mukha kang tasa.” Hindi man lang ‘yung prinsesang nakaupo sa tasa — ‘yung tasa talaga. E sino naman ang mabibighani sa babaeng mukhang tasa?

Nang minsang pumunta ako sa study area para mag-aral (kasi ano pa bang gagawin ko sa study area), lumundag ang dibdib ko nang mahagip ka ng gilid ng mga mata ko. ‘Tang ina John, ngayon lang kita nakita sa labas ng klasrum. Hindi ka aparisyon, hindi ka lang katha ng tigang kong imahinasyon — totoong tao ka, John!

Parang may mga bumberong nagbomba ng pawis sa kili-kili ko; nag-intensity 10 ang lindol sa dibdib ko. Naman John. Sablay ang timing mo kasi may putang inang exam ako sa Bio. Okay, sabi ko sa sarili ko. Focus, Jolens, focus. Basahin ang notes, ibaon sa utak ang stages ng oogenesis, ang lagay ng uterus tuwing follicular phase, ang functions ng placen—‘tang ina John bakit d’yan ka umupo sa harap ko?

Hindi ko napigilan. Iginiya ko ang mga mata ko sa direksyon mo para sana makasungkit ng sulyap na mas matulin pa sa isang segundo. Sa pagnanais kong masulyapan ang halina ng mukha mo, hindi ko inasahang sa mga mata ko rin nakatuon ang titig mo. Akala ko ako ang kawatang magnanakaw ng sandali; hindi ko akalaing tutugon lamang ako sa anyaya ng mga mata mong nakangiti.

Sa sandaling iyon, John, dinaig mo ang oras. Naging dekada ang isang segundo, naging siglo ang isang minuto.

Ngunit ako ang unang bumitaw, ang unang tumingin palayo’t pabalik sa inaaral kong kwaderno. Naramdaman kong sumusulyap ka pa rin sa direksyon ko ngunit nahiya na akong suklian ang mga tingin mo. Baka mabaho lang ako, o baka may dumi sa mukha ko. Baka naintriga ka lang sa mga nunal sa mukha ko. Maraming mga baka-ganito, baka-ganyan ang sumagi sa isip ko. Iniluklok kita sa pedestal at nagpasya akong masyado kang mataas para sa tulad kong kimi, mahiyain at ‘ayun na nga — mukhang tasa.

Malapit nang matapos ang semestre at tingin ko’y hindi na tayo magiging magkaklase sa Enero. Kung magtatagpo ulit tayo sa mga susunod na taon, tiyak kong maaalala pa rin kita. Kay Helen ang gandang naglunsad ng gera ngunit iyo ang titig na bumalikwas sa batas ng pisika.

Hanggang sa susunod nating pagkikita!

Nagmamaganda,
Jolens

PS Sabi ni Lizzie na kaklase mo sa Math, minsan daw hinubad mo ‘yung jacket mo tapos naka-tank top ka lang? Unfair! Ba’t ‘di ka nag-tank top sa klase natin? Unfair unfair unfair!

PPS Joke lang. Okay lang ‘yun, labyu pa rin. Mwah mwah chup chup!

18 Comments

    1. Jumping Jolens

      Mukhang walang part 2. Finals na next week e, at hindi na niya ako pinapansin. ๐Ÿ˜ฆ Ang sakit. Ang sakit sakit. Hahahahahahaha akala mo ang lalim ng pinanggalingan no?

      Like

        1. Jumping Jolens

          Ay ginagawa ko nga ‘yan! As in! Talagang wala, talagang hindi na siya tumitingin sa akin. ๐Ÿ˜ฆ

          Nag-work ba sa ‘yo ‘yang tingin-tingin technique? Gawin ko na lang siguro sa ibang lalaki, ang lamig-lamig na dito e. Hahahahahaha.

          Like

          1. Jumping Jolens

            Hahahaha. Wala talaga e. Kung alam ko lang na ‘yun na ang una’t huling pagtatagpo ng mga mata namin, sana mas nilagkitan ko pa ‘yung titig. Charot!

            Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.