Malungkot ang kapatid ko

MALUNGKOT ANG kapatid ko at hindi niya alam kung bakit.

Matutulog siya, magigising sa umaga, at maaalalang malungkot pala siya — pero hindi niya alam kung bakit.

Babangon siya at magtatrabaho. Didiretso siya sa gym pagsapit ng alas singko, magbubuhat pagkatapos tumakbo. Mahihirapan siya sa simula pero maiaangat niya ang barbel nang sampu, tatlumpung beses. Para bang sanay na sanay na siyang pumasan ng mabigat, pero malungkot pa rin siya at hindi niya alam kung bakit.

May bitamina ba para sa kaluluwa, Ate? Hindi ko alam. Wala yata, sabi ko. Sa kabila ng daan-daang libro’t mga teoryang binabasa ko, marami pa rin akong hindi alam at hindi lubos na nauunawaan. Paano nga ba maging malungkot nang hindi maipaliwanag kung bakit?

Nalulungkot din ako, biglaan at hindi ko rin agad natutumbok ang mga dahilan. Ilang araw o linggo ang lilipas bago ko matutunton ang pulso ng panghihina: nagbabadyang regla, sigalot sa trabaho, kawalan ng katiyakan sa gusto kong mangyari sa buhay ko.

Pero ang kapatid ko, ano mang paggalugad ang gawin — sa paligid, sa katawan, sa masukal niyang alaalang mumunti ang mga puwang — hindi pa rin niya masipat ang ugat na bumubuhay sa kanyang kalungkutan.

Maraming kaibigan ang kapatid ko. Lumalabas siya, nakikisaya, minsan umaakyat sa mga bundok at doon nagpapa-umaga. Sinusubukan naman niyang tumakas kahit na hindi niya alam kung sino o ano nga ba ang dapat takasan.

Wala ring kaso kung nasa Pilipinas kami o nasa ibang bayan, kung mayaman kami o mahirap. Hindi naman nagkukuwenta ng pera o nagbibilang ng ari-arian ang Kalungkutang Hindi Maipaliwanag.

Madalas binabanggit ng kapatid ko kung masaya siya, at may mga pagkakataon ding pakiwari niya’y natututunan na niyang ihele ang sarili hanggang huminahon.

Pero maya’t maya pa ring nanunugod ang lungkot. May mga araw na hindi siya lumalabas sa kwarto. Tuwing hapunan, sa hapag-kainan, kumakain siyang nakahukot ang likod na tila kahugis na niya ang postura ng pagsuko.

Tiyak kong hindi mauunawaan ng lahat ang pinagdaraanan ng kapatid ko. May mga iismid at manghuhusga, at may mga magpapakatarantado at harap-harapang mangungutya. Kailan lang naman naging tampok ang usapin ng kalusugan ng isipan. Mahirap manisi dahil ako man, hindi ko rin gamay kung paano nga ba makitungo sa mga dumaranas ng pambihira’t hindi maunawaang kalungkutan.

Pero kung mababasa mo ito, A, ikaw na lang siguro ang umunawa. Isnabin mo na lang ang mga naniniwalang may pinipiling uri ang nakapanlulumong pighati, silang mga pinagpipilitang kathang-isip lang ang dinaranas mong sakit.

Huwag ka rin sanang tuluyang susuko, A. Mahal na mahal ka namin. Kung maaari lang yakapin kita nang mahigpit na mahigpit hanggang ako naman ang manlumo sa hapdi. Kung maaari ko lang lipulin ang lahat ng lungkot at lumbay na bumabagabag sa kaluluwa mo, kung maaari ko lang akuin ang bigat ng mundo mo — para sa ‘yo, A, gagawin ko. #

14 Comments

        1. Jolens

          Ow, background as in paliwanag? Hehe.

          Hindi ito kwento, Kuya Kez. Essay lang, blog post tungkol sa kapatid kong malungkot pero hindi niya alam kung bakit. Isa ‘yun sa mga sintomas ng depression e, ang pagiging malungkot nang walang malinaw na dahilan. ‘Yung mga sumusunod na talata ay pagpapalawig lang sa topic, pagbibigay ng examples, mga pagtugon sa rule na “show don’t tell.”

          Tapos sa huli, sa ending, nagpahiwatig ako ng kagustuhang magpalit kami ng kapatid ko kahit sandali lang, kung maaari lang. Mahirap kasing makita siyang nahihirapan at nalulungkot e.

          Gan’on, hehe.

          Liked by 1 person

  1. Thea

    Jolens, mahirap talaga yung depression hayyy. 1 kuya ko Psychologist, 1 psychiatrist.
    Pero hindi nila ako pinag gamot, ang explanation ni psychiatrist sa akin ay dahil naniniwala siyang kaya kong lagpasan ito ng walang medication. Pero hindi sya ang nagtetherapy sa akin. May therapist ako na hindi ko kamag anak o kaano ano.

    Siguro ang pinakamalaking naitulong ng pamilya ko sakin sa lahat ng mental disorder ko (nagkicringe ako hahah) ay yung pagiging aware nila sa kundisyon ko. Yung hindi nila ako sinasabihan na gawa gawa o imbento ko lang ang pinagdadaanan ko. Wala naman akong special treatment bukod sa kailangan ang gagamitin ko lang na kubyertos ay ang kubyertos ko. Hindi ako gumagamit ng ibang kubyertos (isisi natin sa OCD ito)

    sa depression naman, hindi nila ako binebaby at ipinapakita na alalang alala sila sakin dahil nga baka lumala ang anxiety ko, pero kinakausap nila ako lagi kung alam nilang kailangan ko.

    Si Kyx, over the years, bilang siya kasama ko araw araw, siya yung malaki yung hirap. Andyang hindi rin siya natutulog hanggat hindi ako nakakatulog. Parang blog post na yung comment ko 😦 pero kasi ayun nga. Gets na gets ko tong post mo eh. Affected ako ahahha

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.