MALUNGKOT AKO kanina at — hindi ko na maalala kung paano — pero napadako ako sa Dictionary of Obscure Sorrows. Mga inimbentong salita lang yata ito para sa mga specific na damdam at danas ng mga emotero. At dahil nga malungkot ako kanina, pumatol naman ako.
Nabasa ko ang salitang exulansis: “the tendency to give up trying to talk about an experience because people are unable to relate to it.”
Naisip ko ‘yung minsang nagkuwento ako kay Ip tungkol sa trabaho ko. Sabi ko nahihirapan ako (at iba pang detalye na ayaw kong ibahagi rito). Pero sabi naman niya, baka sadya lang daw akong mapagdamdam. Ang mahalaga raw ay nagagawa ko ang mga task na nakaatas sa akin. Huwag ko na raw alalahanin kung paano bubuhatin ang ibang tao; unnecessary na pasanin lang daw iyon.
May punto si Ip. Mas mahalaga ngang maging objective at ituon na lang ang pansin sa mga kongkretong suliranin. Ang feelings naman ay lumilipas din.
Pero ang gusto ko pa sanang marinig kay Ip, bukod pa sa payo, ay simpatya. Gaya ng: grabe Jols huhu, huhuhu, huhuhuhu.
Charot.
Kaya medyo alangan akong magkuwento tungkol sa trabaho. Baka nga kasi ako lang ito, mapagdamdam lang ako.
Bukod sa trabaho, marami pa akong kuwentong hindi ko alam kung kanino ibabahagi, o kung may dapat man lang bang ibahagi. Pwede mo kasi silang ihambing sa participation ni Coco Martin sa recent Christmas jingle ng ABS-CBN: walang kakuwenta-kuwenta.
N’ung isang linggo, halimbawa, nag-message sa akin si MC (‘yung MC sa rakista dreams ko). Nagpadala siya ng link sa isang photography archive — link lang, walang mensahe. Tiningnan ko ‘yung website pero wala namang litrato niya. Hmm, ano kayang meron?
Pero tinamad na akong magtanong. Wala ako sa wisyo noong araw na iyon. Inisip ko na lang na nagkamali siya ng pindot, na hindi talaga para sa akin ‘yung link. At ‘ayun. ‘Yun na. D’un na nagtatapos ang pseudo-istorya.
Kamakailan din, sinundan ko ang pa-series ni rAdishhorse tungkol sa 20 E-ssential Eraserheads songs. Nainggit ako kasi marami siyang chika tungkol sa Eheads. Napa-research din tuloy ako hanggang nakarating ako sa Instagram ni Raimund Marasigan, ang crush ko sa banda. Ang laki na pala ni Atari Kim! Pero ang mas ikinagulat ko: hindi na pala si Raimund at si Myrene?
Ang tagal ko na talagang wala sa bansa; hindi na ako updated sa mga ganitong chika. Mukhang ka-age range ko rin ‘yung girlfriend ni Raims. At naisip ko, hmm, kung nagtuos kaya ang landas namin ni Raimund, may chance kayang magkatuluyan kami?
Char ‘tang inang feelingera! Okay, tama na. Quota na.
May mga ganito lang talaga akong muni-muni na walang mapaglagyan. Hindi naman kasi buo ang mga kuwentong ito. At dahil nga marami sa mga kaibigan ko ang nasa malayo, mahirap magsingit ng mga ganitong istoryang walang simula, wala ring dulo.
Kaya heto, dito na lang. Ngayon natatawa na ako sa sarili ko. Hindi na ako masyadong malungkot. Masaya ring magkuwento ng mga walang kuwentang kuwento paminsan-minsan, ‘no?
Nakuha ko rito ang featured image, litrato ng bandang Sandwich.
Leave a reply to bessclef Cancel reply