“How Are You?”

NAKASAMA ULIT ako sa isa na namang Liebster Award nomination. Salamat sa pag-nominate, Miss Isla! ❤

How are you? Yung totoo lang.

Ayos naman ako. May mga araw na talagang matindi-tindi ‘yung lungkot pero may mga araw din naman na, sakto lang. Iniisip ko na lang na lilipas din balang araw itong bigat na nararamdaman ko ngayon. Laban laban, sabi nga ng Sexbomb.

Ano ang idea mo ng true friend?

Narinig n’yo na ba ang tungkol sa aking Dead Body Theory of Friendship?

Bukod doon, sang-ayon din ako sa sinabi ni Manay Kim: true friends bring out the best in each other. Sinusuportahan ninyo ang isa’t isa, pero hindi naman kayo nagbobolahan na lang palagi. Kailangan ding may tumapik sa mga ulo natin paminsan para matauhan tayo, at sino pa ba ang handang sumaway at sumalo sa atin kung hindi ang ating mga mahal na kaibigan?

So far, ano ang pinakasulit na binili mo this year?

Siguro ‘yung skincare products na binili ko noong Marso:

  1. Philosophy Purity Facial Cleanser
  2. Origins United State Balancing Tonic
  3. Fresh Black Tea Kombucha Facial Treatment Essence
  4. Fresh Lotus Anti- Aging Daily Moisturizer

Sulit ang mga ‘yan kasi matagal ko na silang ginagamit (except sa moisturizer; first time kong mag-Fresh).

Lilinawin ko lang din na hindi ako skincare expert. Nagpapabudol lang ako sa mga review sa Sephora; ‘wag ninyo akong tutularan.

Ano ang favorite series mo?

Kung ang depinisyon ng favorite ay batay sa kung ano ang paulit-ulit kong pinapanood, siguro How I Met Your Mother. Minsan ginagawa ko itong background noise, pero marami ring pagkakataon na tinututukan ko pa rin ang bawat episode.

Hindi ko lang sigurado kung favorite ko talaga ang HIMYM kasi marami rin akong hindi nagustuhan dito. Isa na riyan ang kawalan ng racial diversity sa main cast members, pati na rin ‘yung mismong kinahinatnan ng kuwento. Hindi talaga makatarungan para kay Robin at kay Barney ang ending.

Bukod sa HIMYM, madalas ko ring inuulit panoorin ang Friends. Makailang beses ko ring pinanood ang Nobuta Wo Produce noong high school at ang My Boys noong college. Sa local naman, sinubaybayan ko sa TV ang Tayong Dalawa.

Pero gaya ng HIMYM, hindi rin perpekto ang mga palabas na ‘yan. Kung magsusulat ako ng pormal na sanaysay o kritisismo, marami rin akong mapupuna. So bale wala talaga akong sagot, hehe. Balikan ko kayo kapag may naisip na ako.

Kamusta naman yung kapatid mo, if wala kang kapatid, kamusta ang pamilya?

Okay naman sila. ‘Yung isang kapatid ko, kapo-propose lang sa girlfriend niya. Engaged na sila. ‘Yung mas bata ko namang kapatid, ayos lang din. May binili siyang siráng kotse na ngayon lang tumakbo pagkatapos ng halos limang taon. Siya mismo ang nagkumpuni sa mga siráng piyesa kaya, ‘yun, masaya siya.

Mabilis ka ba makaadapt sa changes? Why or why not?

In practice, oo. Mabilis akong masanay at mag-settle sa bagong routine, pero mabilis din akong ma-stress. Kahit na nakaka-adjust ang katawan ko at ang habits ko, sa loob-loob ko e talagang may struggle. Hayyy.

Ano ang favorite drink mo and why?

Noong mas bata pa ako — mga late teens to early twenties — ginagawa kong tubig ang beer. Nasasarapan talaga ako sa lasa ng beer. Ngayong mas matanda na ako, mas madalas na akong uminom ng kape kaysa beer.

Pero ang favorite favorite drink ko talaga ay pineapple juice. Bihira akong uminom ng fresh na pineapple juice, pero hindi pa ako nakakatikim ng pineapple juice na hindi masarap. Lalo ‘yung hindi masyadong matamis? ‘Yung mas lasang pinya kaysa asukal? Ang sarap, grabe!

Nasasarapan din talaga ako sa pinya in general. Masarap siya sa pizza, sa adobo, sa juice — masarap siya, periodt. Ang tanging downside lang ng pinya ay ma-effort siyang balatan. Otherwise, ito ang da best na prutas para sa akin.

Ano yung wildest dream mo?

‘Yung wild pero plausible pero wild pa rin kaya hindi ko sinasabi kahit kanino kasi masyado itong ambisyosa para sa skills ko, bukod pa sa wala talaga akong pera at wala ring maipapahiram sa akin ang mga magulang ko — gusto kong maging duktor.

Pero hindi pa ‘yan ‘yung wildest. Ang wildest talaga ay may kinalaman sa pagbagsak ng kapitalismo bilang ruling economic system. Woops. 🤭

Maganda ba kung nasaan ka ngayon?

Nakatira ako sa isang lungsod na kilala sa pagiging boring so, sakto lang. Walang magagandang scenery pero wala ring gaanong krimen at relatibong kaunti ang COVID-19 cases. Ayos naman.

Kung gusto kong makakita ng magagandang tanawin, puwede akong pumunta sa mga karatig na siyudad. May mga malapit na bundok at lawa na nakabibighani talaga ang ganda.

Mukhang postcard ang gilid ng mga kalsada patungong Banff.
Ito ang Peyto Lake. Mas kulay asul at mas makintab ang tubig sa totoong buhay.

Ano ang pinaka namimiss mo na ginagawa mo noong 15 years old ka na hindi mo na nagagawa ngayon?

Nami-miss kong kumain nang kumain nang hindi tumataba. Nami-miss ko rin ‘yung natutulog ako nang hindi naghihilamos at ‘yung palagi akong nagpupuyat pero hindi pa rin ako pini-pimples.

Ngayon, mapasobra lang ako ng kain ng cheesecake, umaalwa na agad ang bilbil sa pantalon ko. Mas oily na rin ang mukha ko at may fine lines na ako sa ilalim ng mata.

Ano ang advice mo sa kabataan ngayon?

Maging mabait ka sa service crew. Laging mag-thank you sa mga waiter, sa mga driver, sa mga cashier, at iba pa. Igalang mo maging ang mga taong binabayaran mo para pagsilbihan ka, pati na rin ‘yung mga taong hindi mo kagaya ng pinag-aralan, ng kulay ng balat, o ng katayuan sa buhay.

Applicable naman ‘yang advice na ‘yan hindi lang para sa mga kabataan, pero maigi na ‘yung habang bata pa e naisasabuhay natin ang compassion at empathy sa kapwa.

‘Ayun lamang! Salamat ulit sa nomination, Isles! ❤


Galing sa Canva at Unsplash ang featured image.

4 Comments

  1. Kimberly

    Guilty din sa pagpapa-budol sa online reviews. 🙋🏻‍♀️
    On a more serious thought, medyo nakakalungkot nga ang mga ganap lately, in general man or personal… pero lilipas din. Sana sana. ❤

    Liked by 1 person

    1. Jolens

      Walang perang pang-med school mamsh hehehe. Actually wala na rin akong perang pambigay sa budol-budol ngayon, so…😅 Hahaha!

      Sana okay ka mars! Ingat palagi! 😀

      Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.