Setyembre

NAMASYAL AKO sa isang parke ngayong huling araw ng Setyembre. Dilaw na ang mga dahon at halos kalbo na ang ilan sa mga puno. Bandang alas singko pa lamang ng hapon pero malamlam na ang liwanag ng araw. Mas maaga nang dumating ang takipsilim. Taglagas na nga.

Habang naglalakad, pinagninilayan ko ang mga nangyari sa akin sa nagdaang buwan. Dumulo ako sa, oo nga pala, wala nga palang nangyari. Ito ang unang Setyembre sa matagal na panahon na hindi ako balisa sa kahit anong gawain. Wala akong tinatapos na assignment, wala ring inaasikasong trabaho. Mabuti na lamang at may mga raket pa rin ako kahit paano.

Ngayong Setyembre, madalas kong itanong sa sarili kung gusto ko nga ba talagang maging inhinyero. Baka kasi isang mahabang nervous breakdown lang pala ang nakaraang limang taon. Baka nawala lang talaga ako sa katinuan kaya mula sa pagiging manunulat ay naisip kong magpanggap na marunong din akong mag-math.

Ngayong Setyembre ko lang din natiyak na, hindi — panatag naman ako sa pasya kong maging inhinyero. Kung bibigyan ako ng pagkakataong ulitin ang huling limang taon ng buhay ko, palagay ko eng’g pa rin ang pipiliin ko. Sa tuwing naiisip ko ito, parang may malaking tinik na nabubúnot sa dibdib ko.

Umuwi rin ako agad sa bahay pagkatapos kong maglakad-lakad at magmuni-muni. Nagluto ako ng hapunan, kumain, pumasok sa kuwarto at, siyempre, nagbukas ng kompyuter. Iba-blog ko ito, naisip ko. Heto, bina-blog ko nga.

5 Comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.