Sabi ng Amerikanong manunulat na si Ralph Waldo Emerson, “There is no one who does not exaggerate. In conversation, men are encumbered with personality and talk too much.”
Hindi lang sa conversation, Mang Waldo. Pati sa mga kanta, eksaherada rin tayong mga tao.
Sa “Kisapmata” ng Rivermaya, sobrang bilis daw maglaho ng pag-ibig ni Sinta daig pa niya ang isang kisapmata. Sa “Kilometro” naman ni Sarah Geronimo, maging laot daw ay tatawirin ni Mareng Sarah kahit pa umabot ang alon sa papawirin. As if naman aabot ang alon sa papawirin, hindi ba?
Ang tawag sa mga ganyang exaggerated na pagsasalarawan ay hyperbole o pagmamalabis. Sa tuwing pinasisidhi natin ang kalabisan o kakulangan ng isang pangngalan — ng isang tao, hayop, bagay, lugar o pangyayari — gumagamit tayo ng hyperbole.
Hindi nalalayo ang hyperbole sa tayutay na metaphor o pagwawangis. May mga pagkakatulad at pagkakaiba ang dalawa, at paminsan ay mahirap tukuyin kung metaphor ba, o hyperbole, o pareho ang isang statement. Halimbawa na rito ang konsepto ng “Pusong Bato” ni Aimee Torres:
kung ako’y muling iibig
PUSONG BATO, AIMEE TORRES
sana’y ‘di maging katulad mo
tulad mo na may pusong bato
Maaaring ituring na metaphor ang pariralang “pusong bato” dahil isa itong tuwirang pagtutulad sa puso at sa bato. Maaari rin itong ituring na hyperbole dahil, kung uunawain natin ang konteksto, isinasalarawan ng mang-aawit ang umano’y lagpas-lagpasang kawalan ng remorse o ang katigasan ng kanyang dating kasintahan.
(Para itong ‘yung sinabi ni Popoy sa One More Chance na, “Putang ina naman, Bash, ganyan ka ba katigas?” Para kay Popoy ay may pusong bato si Basha.)
Marami pang ibang halimbawa ng hyperbole o pagmamalabis sa mga kanta, kabilang ang mga sumusunod:
ang iyong ganda’y umaabot sa buwan
BUWAN, JUAN KARLOS
ang tibok ng puso’y rinig sa kalawakan
lagi na siyang naka-dress sa eskuwela
SHIRLEY, ERASERHEADS
nakaayos palagi ang buhok niya
lumulutang sa ulap
‘pag naglalakad sa kalye
maiiwan akong pinipilit agawin
ANG HULING YAKAP NG MUNDO, IMAGO
ang huling yakap ng mundo
masaya, high sa buhay
WALA LANG, ANG BANDANG SHIRLEY
abot ko na ang langit
abot ang ‘yong kamay
Sa dalas nating gumamit ng hyperbolic at matephorical na expressions, may mga hyperbole at metaphor na kalaunan ay nawalan na ng bisa o impact. Dead metaphor o patay na talinghaga ang tawag sa mga ito. Sobrang common na kasi ng ilang hyperbole o metaphor kaya halos hindi na natin ma-associate ang mga ito sa orihinal na imahen na tinutukoy.
Halimbawa ng dead metaphor ang paggamit sa salitang “gasgas” upang ilarawan ang isang bagay na, sabihin na nating laspag na. Nagmula ang expression na “gasgas” sa mga gasgas na plaka. Kapag paulit-ulit kasing pinatugtog ang isang plaka, nagagasgas ito at nababasag ang tunog. Dahil paulit-ulit na rin nating ginagamit ang salitang “gasgas” upang ilarawan ang mga bagay na gamit na gamit na, naging bahagi na ito ng everyday language at hindi na natin naiisip na may kinalaman ito sa overplayed na plaka.
Nabanggit ko ang dead metaphors dahil may hyperbolic phrases na hindi ko alam kung maituturing pa rin na hyperbole ngayon. Halimbawa:
kahit saan ako maparoon
KAYOD KABAYO, KAYOD BARYA, NOEL CABANGON
mga paa’y walang hinto sa pagsulong
naghuhukay nang walang humpay
ANINIPOT, SHIREBOUND AND BUSKING FEAT. BEA LORENZO
kumpas ng luha ay sumasabay
Hindi ko tiyak kung hyperbolic pa rin ang paggamit ng mga pariralang “walang hinto” o “walang humpay.” Non-literal pa rin naman ang mga ito, pero katulad ng mga salitang “habambuhay” o “walang hanggan,” halos wala na silang makabuluhang ibig sabihin, lalo na sa konteksto ng awiting Pilipino.
wala man akong pag-aari
PRINSESA, TEETH
pangako kong habang-buhay kitang pagsisilbihan
o aking prinsesa
patuloy kong hahanapin
SINO, UNIQUE
kahulugan ng pag-ibig
at habang-buhay na mag-iisa
Anyway, ‘ayun. Gumawa rin ako ng YouTube playlist kung gusto ninyong mapakinggan ang mga kantang binanggit ko. Ba-bye!

Oh YouTube playlist, nice!!!
LikeLiked by 1 person
bilang isang sharonian (lols) siguro ang mother of exaggeration in all OPM ay ang sana’s wala nang wakas hahaha
LikeLiked by 1 person