1.
Trigger Warning: suicide at iba pang mga sensitibong bagay-bagay.
2.
Hindi naman ako suicidal talaga. Sa buong buhay ko, hindi ko pa naman sinubukang saktan ang sarili ko nang seryoso. Natatakot din kasi akong mamatay, sa totoo lang. Natatakot ako sa sakit, sa your-life-flashing-before-your-eyes moment, at lalo na sa ideya na masasaktan talaga ang mga magulang ko kapag nagpakamatay ako. Tiyak kong sisisihin nila ang mga sarili nila kapag nawala ako.
Pero kahit natatakot akong mamatay, halos araw-araw ko pa ring iniisip na magpakamatay. Ewan ko ba. Araw-araw lang talagang may mga morbid na imahen na sumasagi sa isip ko. Kapag nakahiga ako sa kama, halimbawa, tinititigan ko ang kisame at iniisip na sana may isang higanteng blade na bumagsak para mapugutan ako ng ulo. Tuwing nagbibihis ako sa tapat ng closet, nai-imagine ko na sana nakabig — naku ang harsh. ‘Wag na.
Ang point ko lang naman ay lagi talagang sumasagi sa isip ko ang ideya ng pagpapakamatay. Hindi mahalaga kung masaya ako, o malungkot, o malungkot na malungkot — maiisip at maiisip ko pa ring magpatiwakal.
May mga araw na nagagawa ko namang i-pep talk ang sarili ko. Mars, ano ka ba? Iniisip mo lang ‘yan. Lilipas din ‘yan! May mga araw din naman na medyo malala. Ano, mars, kaya pa? Kailangan mo lang yata ng isang major trigger ‘no?
Hayayay. Ang harsh pero, ‘ayun nga. Hindi ko alam.
3.
Umiyak ako kanina. Hindi naman palahaw na parang si Sisa na namatayan ng anak. Saktong iyak lang. Saktong luha, saktong hikbi, saktong singhot ng uhog, ganyan.
Umiyak ako dahil sa trabaho. Hindi ko na ikukuwento ang mga detalye pero, just for the record, hindi naman ako umiyak sa gitna ng Zoom meeting. Pinatapos ko naman ‘yung meeting, saka ako umiyak.
Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko noong mga sandaling iyon. Mabigat sa dibdib, sa tiyan, sa braso, sa binti — mabigat sa lahat. Hindi naman maginaw kanina pero kumuha ako ng kumot at binalot ko ang sarili para lang makaramdam ng yakap.
Ganito pala kapag mag-isa, ‘no?
Hindi ako makapagkuwento sa mga magulang ko kasi malulungkot lang sila para sa akin. Hindi rin ako makapagkuwento sa mga kaibigan ko sa kasi nasa Pilipinas sila. Hindi hamak naman na mas malala ang mga pinagdadaanan nila kaysa sa ‘kin. ‘Yung isa kong kaibigan, kapapanganak lang. ‘Yung isa naman, may COVID ang mga magulang. Pasan-pasan din nila ang consequences ng kagaguhan ng gobyerno, so sino naman ako para mag-inarte tungkol sa buhay ko sa first world? Hayyy — puwede bang maglaho na lang?

Leave a reply to Jolens Cancel reply