Nosebleed

Literal na dumugo ang ilong ko kanina. Medyo sariwa pa nga e, wala pang kalahating oras. Naisip ko lang isulat ngayon kasi, wala — baka lang mamatay na ako ngayong gabi. (Hay nako, Jolens, ba’t ka ba ganyan?)

So ganito ‘yung nangyari. Nagtatrabaho ako, nakaharap sa kompyuter, type type type, click click click, tapos medyo naramdaman kong kumati ‘yung kaloob-looban ng ilong ko. Suminga ako sa suot-suot kong blouse — kasi kadiri ako at wala kayong paki — tapos pagtingin ko sa uhog, ‘ayun. Pulang-pula. Mapula pa sa bandila ng Tsina.

Hindi naman ako nag-panic n’ung makita ko ‘yung dugo. Medyo malabo na rin kasi ang mga mata ko kaya inisip ko muna kung, hmm, dugo ba talaga ito? Tumayo ako at naglakad papunta sa banyo. Pagtingin ko sa salamin, may pulang likido na sumisilip at nagbabadyang tumagas sa kaliwang butas ng ilong ko. Okay, dugo nga.

Pumunit ako ng tissue tapos idiniin ko ‘yung tissue sa butas ng ilong na dumudugo. Pinisil ko rin ‘yung ilong ko kasi naalala kong ito raw ang tamang first aid kapag may nosebleed. ‘Wag daw tumingala kasi baka mabilaukan ka sa sarili mong dugo. ‘Wag din suminga nang malakas kasi baka may pumutok na ugat at pati karne ng utak mo e lumabas kasama ng sipon.

Nakaharap ako sa malaking salamin ng banyo habang hinihintay na tumigil ‘yung pagdugo. Mukha akong tanga, naisip ko. Mabuti na lang at nasa bahay lang ako. Walang manghuhusga sa akin kahit sumisinga ako sa damit ko. Wala ring may pakialam kung may nakasuksok na tissue sa ilong ko. Teka, wait — mamamatay na ba ako?

Ngayon lang ako nagka-nosebleed sa tanang buhay ko. Saan ito nanggaling? Wala naman akong ginawang kakaiba ngayong araw. Nagkape lang ako pagkagising, nagtrabaho — nasa harap nga lang ako ng kompyuter n’ung dumugo ‘yung ilong ko e. Kanser na ba ito? Tumor sa utak?

Sabi ng aking very reliable source, a.k.a. the Internet, wala naman daw dapat ipangamba sa mga nosebleed. Baka masyado lang dry ang hangin dito sa apartment. Puwede ring hindi lang sapat ang tubig na ininom ko, o posibleng stressed lang ako, o ‘di kaya sadyang bigay na bigay lang talaga ako kung suminga. Marami naman daw ang nagkaka-nosebleed kaya walang dapat ikatakot, lalo na kung hindi naman ito tumagal nang higit sa 20 minuto.

Tuyo na ang butas ng ilong ko ngayon pero may kaunting dugo pa rin na dumadausdos sa likod sa lalamunan ko. Counted na ba ito as more than 20 minutes? Ito na ba, Lord? Oras ko na ba? Kapag natulog ba ako ngayong gabi, hindi na ako magigising bukas?

Ewan ko. May gusto ko pa sana akong tapusin sa trabaho ngayon pero huwag na. Pahinga na muna. Baka kailangan ko lang magpahinga.

3 Comments

  1. Leah Ranada

    Parang ang dark natin lately, which you are totally allowed by the way. But you’re also allowed joy. Sorry, clichéd ang advice. Re nosebleed, baka kulang lang sa hydration. Hope you feel better. 🙂

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.