1.
Hindi na ako nagsusulat sa Filipino (o Tagalog, depende sa posisyon mo sa diskursong ito).
2.
Malaking bahagi ng hindi ko na pagsusulat sa Filipino ang paninirahan ko sa ibang bansa. Bihira na kasi akong magsalita sa Filipino ngayon. Ingles ang ginagamit ko sa pakikipag-usap sa mga katrabaho; Bikol naman sa mga kapamilya at kamag-anak. Nagta-Tagalog lang ako sa tuwing may mga kaibigan sa Pilipinas na tumatawag o nakikipag-chat. Kung wala ang mga kaibigang-nasa-malayo, wala na rin akong dahilan para mag-Tagalog.
3.
Fluent pa rin naman ako sa Filipino o Tagalog hanggang ngayon. Hindi na nga lang ako kasing-bihasa tulad ng dati. Nang minsang tumawag ang isang kaibigan na dito ko lang sa blog nakilala, pinuna niya ang punto ko. Halata raw na galing ako sa probinsya. Bumalik na nga siguro ang punto ko kahit na, kung susumahin, mas matagal naman ang inilagi ko sa labas ng Bicol kaysa sa loob nito.
4.
Dose anyos pa lang ako nang umalis ako sa probinsya namin para manirahan sa isang bayan sa Laguna. Nag-aral ako sa isang boarding school at napaligiran ng kung sino-sinong mga estudyante mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Tagalog ang wikang ginagamit namin sa buong eskwelahan. Nagtuloy-tuloy ang paggamit ko ng wikang Tagalog hanggang paglipat ko sa Quezon City upang doon mag-aral ng kolehiyo. Gaya sa hayskul, Tagalog din ang wikang ginagamit ng karamihan sa unibersidad.
5.
Nasa kolehiyo ako nang malaman kong natuloy ang plano ng mga magulang ko na lumipat kami sa ibang bansa. Isang araw, lumuwas ng Maynila ang pamilya ko at sinundo nila ako sa boarding house dahil kailangan daw naming magpa-medical exam. Kumuha na rin kami ng passport. Nang sumunod na makita ko ang mga passport, may mga tatak na ito ng Canadian visa. Nangutang ang mga magulang ko ng pambili ng pamasahe — naging kolateral pa nga yata ang maliit na bahay namin sa baryo at ang mga alaga naming kambing. Hindi rin nagtagal bago kami tuluyan na ngang nangibang-bansa.
6.
Paminsan-minsan, may mga kakilala akong nagtatanong kung paano raw ba ang proseso ng paglipat sa Canada. May mga nagtatanong tungkol sa IELTS (mahirap ba) o di kaya tungkol sa medical exam (may HIV blood test ba). Hindi ko sila masagot dahil menor de edad pa lang ako noon. Ang mga magulang ko ang nagproseso ng lahat; nadamay lang kaming mga anak bilang mga dependent o palamunin. Hindi ako kumuha ng IELTS. Wala rin akong masyadong maalala sa medical exam bukod sa pagkuha ng timbang at tangkad, at siguro sampol ng ihi.
7.
Nagpasya akong mag-aral ulit dito sa Canada, at isa sa mga rekisito upang makapasok sa unibersidad ay ang tinatawag na “proof of English proficiency.” Hiningan na ako ng IELTS upang patunayan na marunong nga akong magsalita at magsulat sa Ingles. Tumawag ako sa unibersidad upang tanungin kung maaari bang i-waive ang nasabing rekisito. Palagay ko kasi ay sapat naman na ang kasanayan ko sa Ingles. Tinanong ako ng babae sa telepono kung saang unibersidad daw ako nag-aral sa Pilipinas. May listahan pala sila ng mga unibersidad sa Pilipinas na exempted sa English proficiency requirement, pero sa kasamaang palad, hindi rito kabilang ang unibersidad na pinanggalingan ko. So how did you decide which universities are exempted?, tanong ko sa babae. We have admission specialists who review the credentials of all universities outside Canada, sagot niya. Weh ulol, ang gusto ko sanang sabihin, pero nilunok ko na lang ang laway ko. Biruin mo, sa mahigit 20 unibersidad sa Pilipinas na exempted sa English proficiency requirement, hindi kasama sa listahan ang UP Diliman.
8.
Dalawang bagay tungkol sa batang ako: una, matigas ang ulo ko; ikalawa, matigas talaga ang ulo ko. Ayaw kong kumuha ng IELTS, pero gusto kong mag-aral sa unibersidad. Sino ang mag-aadjust? Hindi ako. Ayaw ko. Bukod sa napakamahal ng IELTS, may expiration date din ito. Para bang pagkatapos ng dalawang taon e hindi ka na ulit marunong mag-Ingles. Spell scam? IELTS.
9.
Hindi ko matanggap na kailangan nila ng pruweba na marunong akong mag-Ingles, samantalang galing naman ako sa isang bansang ilang dekadang sinakop, at patuloy na sinasakop, ng mga Amerikano. Alam ba nila kung gaano karaming call center ang nagsulputan sa mga kili-kili’t singit ng Pilipinas? Malay ba sila sa Visiting Forces Agreement at sa mala-lintang presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa? Narinig na kaya nila ang tungkol sa Senate Bill 2094 na pinahihintulutan ang 100% foreign ownership ng ilang susing industriya sa Pinas? Kahit pa ipagkanulo ni Duterte ang Pilipinas sa Tsina, hindi basta mabubura sa kasaysayan ang deka-dekadang pagyuko ng Pilipinas sa Amerika. At magkasala-salabid man ang dila at bituka at balun-balunan nating lahat, isa pa rin akong butihing anak ng kolonyalismo kaya marunong akong mag-Ingles, puwede ba?
10.
Tumawag ulit ako sa unibersidad at tinanong kung may alternatibo bang paraan upang mapatunayan na may sapat akong kakayahan sa Ingles. Sabi ng babae, papayagan nila akong kumuha ng dalawang university-level English courses (“courses” ang tawag nila sa mga klase o subject) at tatanggapin nila ako kung hindi bababa sa B+ ang makukuha kong marka. Okay, sabi ko. Nag-enroll ako sa dalawang English subject kahit na mas mahal pa ang tuition kaysa sa IELTS fee. A+ (katumbas ng uno) ang nakuha kong grado. Sa huli, napilitan silang tanggapin ako bilang full-time student sa Faculty of Engineering, pero hindi nila pinayagang ma-credit sa degree ko iyong dalawang English subject. Mga hinayupak. Pero ayos lang. Tinanggap ko na lang. Ang mahalaga ay may ginusto akong patunayan, na hindi ko naman talaga dapat pang patunayan, pero napatunayan ko naman.
11.
Hindi ako eksperto sa Ingles. Madalas pa rin akong magkamali sa grammar at spelling, at hindi pa rin madulas ang paggagap at paggamit ko sa wika. Mas kumportable lang akong magsulat sa Ingles ngayon dahil ito ang mas pamilyar. Mas madalas din akong magbasa ng mga libro sa Ingles. Paminsan nga, tuwing sinusubukan kong magbasa ng mga nobela o maikling kuwento sa Filipino, nahihirapan na ako. Hindi na ako sanay. Ang hirap pati maghanap ng mga akdang Filipino dito sa Canada. Halos hindi rin naglalathala ng electronic copies ang mga publisher ng panitikang Filipino, at napakamahal ng shipping fee kung bibili ako ng pisikal na kopya.
12.
Kaninang umaga, may nabasa akong isang napakagandang sanaysay sa isang dyornal-pampanitikan. Hindi ko papangalanan ang awtor dahil baka siya ang tipo ng awtor na ginu-Google ang sarili niya (at medyo dyahe kung mababasa niya itong blog ko). Pero gandang-ganda talaga ako sa sinulat niya tungkol sa isang probinsya sa Bicol. Ka-urag! Madulas ang wika. Bulnerable ang paksa. Sinsero ang boses. Nakakainggit. Sana ako rin. Sana kaya ko rin.
13.
Sa tuwing may nababasa akong magandang akda, para bang nahihimok akong sumubok din. Parang may pumupukaw sa diwa ko at bumubulong na, try mo lang, beh. Baka kaya mo rin.
14.
May kaibigan akong manunulat na baliktad ang trip. Mas nabubuhayan siyang magsulat sa tuwing nakakabasa siya ng mga akdang pangit. Itong kaibigan kong ito, bihira kaming mag-usap dahil nasa Pilipinas siya at narito ako. Nagme-message lang kami sa isa’t isa sa tuwing may mabigat na kalungkutan na bumabagabag sa amin at wala na kaming ibang malapitan. Halimbawa, noong sariwa pa ang paghihiwalay nila ng dating-kasintahan, madalas siyang mag-message dahil hindi pa siya handang ibunyag ang balita sa mga kaibigan niya sa Pinas. Ang lumbay niya noon, mala-puno ng goma sa gilid ng bulibard (charot). Hindi siya makapagsulat kahit na kailangan na niyang tapusin ang tesis niya. Dahil hindi rin naman ako mahusay sa pagpapagaan ng loob ng mga taong mabibigat ang loob, binigay ko na lang sa kanya ang link ng blog ko, kahit pa sinisikreto ko ang blog na ito sa lahat ng kaibigan ko. Basahin mo, sabi ko sa kanya. Baka ma-distract ka kahit paano. Ang hindi ko sinabi: basahin mo, umaapaw iyan sa kapangitan, hinding-hindi ka mauubusan ng inspirasyon. Awa ng dios, natapos niya rin ang tesis niya noong nakaraang taon.
15.
Ito ang mga tipo ng blog post na ang sarap isulat kahit walang magbabasa. Dahil walang magbabasa.
16.
Kailangan ko pang magbasa. Magbasa nang magbasa nang magbasa. Magbasa ng pangit, magbasa ng maganda, magbasa ng nasa pagitan ng pangit at maganda.
17.
Kailangan ko na ring matulog.
15. Binasa ko. 🙂
LikeLiked by 1 person
May nagbasa.
LikeLiked by 1 person
Akala mo lang wala pero meron meron meron!
LikeLiked by 1 person
Ay may nagbasa beh.
LikeLiked by 1 person
Ang aliw basahin neto. Haha.
LikeLiked by 1 person
Nagbasa ako! 😀
LikeLiked by 1 person
Akala ko nililinlang lang ako ng aking paningin. Nagsusulat ka pala ng Tagalog. Minsan naisip ko rin walang nagbabasa kapag ganitong blog post. Pero may maliligaw at maliligaw sa post na kakaiba. 😅
LikeLiked by 1 person
Exactly my thoughts regarding IELTS. Niyeta huhu
Also, binasa kooooo HAHAHA
LikeLiked by 1 person
Late, pero binasa ko parin.
LikeLiked by 1 person