1.
May tendensiya akong magpanggap na bobo. Hindi ko sinasadya. Hindi ko ito ginagawa para magpakyut, o magmukhang inosente, o magpapansin. Nangyayari na lang. Reflex, kumbaga.
2.
Boss: Ang saya-saya ko na bumalik ka na mula sa bakasyon mo! Na-miss namin ang husay mo!
Ako: Po? Umm…ahh…salamat po?
Boss (kausap ang buong team): Klaro ba? Kung naguguluhan kayo, ‘wag kayong mag-aalala, kuhang-kuha ‘to ni Jolens!
Ako (habang tahimik na nananalangin na sana lapain na ako ng lupa): Actually po parang hindi po masyado?
Ako (pagkatapos ipaliwanag ang isang bagay na tiyak kong tama at malinaw): Tama ba? Malinaw ba?
3.
Teorya 1. Nagbobobo-bobohan ako dahil natatakot akong madismaya ang ibang tao, lalo na ‘yung mga taong naniniwala na mahusay ako. Mas maigi yata kung iisipin nilang tanga ako, tapos saka ko na lang patutunayan na — sakto lang. Hindi tanga, hindi bida. Sapat lang.
Teorya 2. Nagbobobo-bobohan ako dahil ayaw kong dumami pa lalo ang ginagawa ko. Tumatalima lang ako sa abiso ng mga nakatatanda: ang taong masipag ay taong pagod. Nakakatamad mapagod. Nakakapagod mapagod. (O, sa ibang sabi: ayos lang mapagod basta’t may katumbas na karampatang pasuweldo at makataong sistemang panlipunan para sa lahat — e wala.)
4.
Ano ang tamang pagbaybay sa nagbobobo-bobohan? Walang gitling? Nagbobobobobohan. Kung may gitling, saan? Nagbo-bobobobohan. Nagbo-bobo-bobohan. Hmm.
5.
Ano’t ano man, palagay ko e hindi pa rin tama na nagbo-bobo-bobohan ako. Naiirita ako sa sarili ko. Kailangan kong maging mas natural, mas totoo, kahit man lang sa konteksto ng trabaho. Kung hindi ko alam, hindi ko alam. Pero kung alam ko, alam ko. Sasabihin ko. Yes, boss, mas paghuhusayan ko pa po. Yes, boss, malinaw po. Yes, sir, sigurado po ako.
6.
Nagsasaing nga pala ako. Luto na, kapipitik lang ng switch ng rice cooker. Gutom ba ako? Oo. Ikakamatay ko ba kung ipagpapabukas ko na lang ang pagkain? Hindi. Gabi na, pasado alas dies. Bukas na ako kakain.
Kuha ni Max Letek ang litrato.
Naku mars. Alam mo minsan, ganun ako. I mean nakakarelate ako sa sinasabi mo. May mga kaklase kasi ako nun sa school na dunung-dunungan. I mean marunong naman talaga sila haller? di hamak naman. average student lang akez. pero may mga bagay na minsan alam ko kesa sa kanila pero bobo-bobohan na lang si ate mo gurl. tapos pag nitanong nila ako saka na lang ako sasagot di ba. less expectations, less hurt. ayun.
LikeLiked by 1 person
aww, true. wini-wish mo rin ba na sana mas bida-bida ka? kasi ako oo, paminsan, haha. inggit ako sa mga taong mahuhusay at alam nilang mahusay sila.
LikeLike
minsan mars. pero kasi gusto ko lang lagi nasa sidelines. hehehe. mas tahimik buhay hehehe
LikeLiked by 1 person
Siguro mas madaling panindigan ang bobo-bobohan kesa bida-bida. Once a bida-bida, forever bida-bida ka na sa mata nila. Eh pano sa mga araw na tamad ka. Kaya I vote for Teorya 2!
LikeLiked by 1 person
Tama! Agree! Haha. 😀
LikeLike
Lol. Sa first job ko, ang sabi ng marketing manager sa ‘kin ay “Mina, bakit ka nagtatanga-tangahan?” Ngumiti lang ako ng makahulugan. Ayoko na po kasi mautusan. Hahaha.
LikeLiked by 1 person
Hahahaha same energy 😀
LikeLike