1.
Buong araw akong wasak noong Sabado. Alas singko na ng hapon ako bumangon, at bumangon lang ako dahil sasabog na ang ihi sa pantog ko. Pagkatapos umihi, saka ko pa lang narinig ang pag-angal ng sikmura ko. Hindi pa ako kumakain. Mabuti na lang at namalengke ako noong Biernes.
2.
Pumasok ako sa opisina noong Biernes. May parking lot sa basement ng building namin, pero sa ibang lote ako nag-park kasi mas mura ang parking fee. Medyo malayo nga lang sa building ang parking lot na pinili ko. Tatlong block ang kailangan kong lakarin, pero okay lang kasi maganda naman ang panahon. Presko ang hangin — maginaw pero hindi sumisipsip sa buto ang lamig — at hindi na yelo ang mga kalsada. Ang sarap ng lakad ko noong umagang iyon.
3.
Dahil mas madalas ako sa bahay magtrabaho, wala akong kahit anong physical activity. Nabigla tuloy ang katawan ko noong Biernes. Nakaupo lang naman ako kung tutuusin pero tanghali pa lang, masakit na ang likod ko. Parang nabugbog ‘yung masel at buto sa taas ng puwet ko. Dahil ba naglakad ako? Dios mio — ganito yata talaga kapag tumatanda na, ‘no?
4.
May deadline ako noong Biernes. Ipinasa sa akin ng boss ang project, tapos kailangan kong itama ang mga pinapatama ng kliyente. Ang hirap maging masinsin sa mga detalye kapag may time pressure. Hinahabol ko ang oras habang nakikipagbakbakan sa mga numero — hapong-hapo ang utak ko at umiiyak pa sa sakit ang likod ko. Alas siete na ng gabi ako natapos. Kung pwede lang mahiga sa sahig ng opisina, siguradong nakatulog ako roon ora mismo.
5.
Habang naglalakad pabalik sa parking lot, pinag-iisipan ko kung mamamalengke na ba ako o hindi. Sa isang banda, yumayabag na ang katawan ko at kailangan ko nang magpahinga. Sa kabilang banda, mas maiging mamalengke yamang nasa labas na rin lang ako ng bahay. Nanaig ang pagiging praktikal ko kaya dumiretso ako sa Walmart. Sabi ko bibili na lang ako ng Salonpas.
6.
Nakalimutan kong bumili ng punyetang Salonpas. Madalas nililista ko ang mga dapat bilhin bago mamalengke, pero dahil biglaan lang ito, kung ano-ano na lang ang hinablot ko. Tokwa, bok choy, bell pepper, Coffee Mate — kahit ano na. Nawala sa isip ko ang Salonpas, ang sabon na panghugas, at ang marami pang ibang bagay na kailangan kong i-restock sa bahay. Wala na ako sa huwisyo. Uwing-uwi na talaga ako.
7.
Singbigat ng mundo ang mga kailangan kong bitbitin paakyat sa apartment. Naka-apat na bag ako ng groceries, tapos dumaan pa ako sa liquor para bumili ng beer. Sinuot ko sa balikat ang backpack na may mabigat na laptop, sinabit ko ang mga grocery bag sa mga patpatin kong braso, tapos niyakap ko sa dibdib ang kahon ng beer. Hingal na hingal ako pagdating ko sa unit. Halos hindi ko masuksok ‘yung susi kasi nanginginig ang braso ko sa pagod. Pagpasok sa apartment, nilapag ko sa sahig ang mga pinamili ko, hinubad ko ang jacket, at pumunta ako sa banyo para maghugas ng kamay.
8.
Nagbihis ako ng pambahay at nahiga sa sofa. Ilang oras din akong nakahiga lang habang palabas sa TV ang Sleeping With Other People — hindi ko pinanood, sinalang ko lang. Tumawag ang nanay ko, nag-usap kami saglit, tapos saka ko pa lang binalikan ang mga pinamili para i-sanitize at ilagay sa ref. Nagprito ako ng veggie patty at pinalaman ito sa regular na tinapay. Uminom ako ng beer, isang lata lang, tapos humiga na ako sa kama para matulog.
9.
Siguro dahil uminom ako ng beer nang halos walang laman ang tiyan kaya hinang-hina ako paggising ko noong Sabado. Itinuloy ko lang ang pagtulog sa maghanpon hanggang kinailangan kong bumangon para umihi. Kumain ulit ako ng veggie patty at tinapay. Nagluto din ako ng sinigang na gulay — sinigang mix at gulay — at nagsaing ng kanin. Hindi ako nabusog kaya hindi na ako uminom.
10.
Ngayon, Linggo, medyo mas may enerhiya na ako. Nakapaglaba ako at nakapaglinis ng bahay. Broccoli at (fake) beef ang pananghalian ko.

11.
Katatapos ko lang panoorin ang Season 12 ng RuPaul’s Drag Race. Paborito ko si Gigi Goode. Masaya ako na nanalo si Jaida, pero kay Gigi ako pinakanatuwa. Hindi ako sang-ayon sa mga nagsasabing si Jan ang dapat nanalo sa Rusical challenge. ‘Yung part ni Gigi ang pinakamaganda at pinaka-wow, pero mahusay din talaga ang ibang cast. Agree ako sa marami: Season 12 nga ang isa pinakamagandang season kung husay ng cast ang pagbabatayan.
12.
Plano kong pumasok sa opisina bukas, Lunes. Nakapagluto na ako ng baon at naihanda ko na ang isususot kong damit. Nakahiga na ako sa kama habang tinatayp ko ito. Masakit na naman ang likod ko.
Kuha ni Kinga Cichewicz ang tampok na litrato.
omg fake beeef! broccoli naman lunch ko ngayon dito, kanina. vegan ka ba?
LikeLiked by 1 person
hindi naman, haha, kumakain pa rin ako ng chiken at dairy paminsan 😀
LikeLiked by 1 person
Buti nahanap ko tong bagong url mo huhuhuhuhu namiss kita! Malapit na ako magalala eh hahaha
LikeLiked by 2 people