1.
Noong Sabado, nag-message sa akin ang isang kaibigan, humihingi ng access sa isang YouTube video na ginawa ko noong college. Hindi ko na rin ma-access ‘yung video — nakalimutan ko na ‘yung password ng channel — pero buti na lang nakahanap ako ng kopya sa luma kong laptop.
2.
Nakakatawa talaga ‘yung video na ‘yun. Inside joke nga lang — kami-kami lang ang makakaintindi kaya hindi ko na ibabahagi sa inyo ang link. Naisip ko lang ikuwento kasi pagod na pagod na pagod na naman ako ngayong araw, at naalala ko ang sinabi ng kaibigan ko noong Sabado: “gusto ko lang i-reminisce noong panahong ‘di hamak na mas simple pa ang mga buhay natin.”
3.
Mas simple nga ang buhay noon. Aral-aral, sulat-sulat, inom-inom. Nakaka-miss! Miss ko na ang mga kaibigan ko. Miss ko nang magkaroon ng mga kaibigan.
4.
Paulit-ulit kong pinapakinggan ngayon ang “Calibrate My Senses” ng Carousel Casualties. Hindi ko maipaliwanag kung bakit, pero nasi-senti talaga ako sa kantang ‘to. Parang ganito kasi ‘yung tugtugan ng college bands noong kapanahunan ko. Hindi ko alam kung saan galing ang banda, pero naaalala ko talaga sa kanta ‘yung mga mixtape na nilalabas ng music orgs sa unibersidad namin noon. Nakaka-miss!
5.
Kung makakausap ko ang batang ako, ‘yung ako noong kolehiyo, sasabihin ko sa kanya na huwag masyadong magdamdam. Huwag masyadong malungkot. Madaling sabihin at mahirap gawin, pero ipauunawa ko sa kanya na masasanay din siya sa kung ano mang bigat na nararamdaman niya.
‘Pag tanda mo, Jolens, hindi na walking distance ang lahat. Samantalahin mo ang buhay habang pwede mo pang lakarin ang mga kailangan mong patunguhan. Kalma ka lang. Maglakad ka lang nang maglakad habang may lakas ka pang maglakad. Maglakad ka habang nakikinig sa mga paborito mong kanta. Maglakad ka sa lilim ng mga puno tuwing mainit o maulan, maglakad ka sa gitna ng daan. Iwaglit mo muna sa isip ang lahat ng bigat. Maglakad ka lang nang maglakad nang maglakad. Kasi ‘pag tanda mo, Jolens, hindi na walking distance ang lahat.
Kuha ni Ros ang litratro
Uy! UPD ba iyang pic!
LikeLiked by 1 person
Number three though ☹️ Mahigpit na yakap!
LikeLiked by 1 person