Sabi ko sa unang post, medyo nahihimasmasan na ako. Binabawi ko, mehn. Hindi pa rin ako okay. Nagba-blog ako ngayon kasi wala akong makausap sa totoong buhay. Paulit-ulit na lang ang mga reklamo ko kaya urat na urat na sa akin ang mga kaibigan ko.
Ako man, urat na urat na rin sa sarili ko. Kailan pa ako naging ganito? Kailan ko pa pinroblema ang lalaki? Kailan ko pa hinayaang manlumo ako nang ganito dahil sa lalaki? Aaaahhhh!
Ito ‘yung tipo ng problema na dapat pinroblema ko noong bata pa ko, pero hindi e. Iniwasan ko kasi. Noong nene pa ako, risk-averse talaga ako pagdating sa pag-ibig. Kapag may lumalapit o nagpapahiwatig ng interes, pinipigilan ko. Iniisip ko na matatauhan din ‘tong mga ‘to, magbabago rin ang isip kapag nakilala nila ako. Kahit sa mga nagdaang kasintahan, ganoon din. Low effort lang dapat kasi darating at darating din ang panahon na iiwan din nila ako. Gano’n e.
So anong nangyari sa akin?
Year of Taking Risks
Magsimula tayo sa simula ng taon. New Year 2022. Panay kuda ang mga tao tungkol sa kanilang new year’s resolutions nang mapanood ko ang video na ito:
Sa halip daw na magtakda ng resolution, mas mainam na magtakda ng tema o theme para sa bagong taon. Theme of Reading, Theme of Family, Theme of Health, etc. — ang theme ang nagsisilbing gabay sa tuwing nakakatagpo tayo ng branch point sa mga buhay natin. Halimbawa, Theme of Novelty. Sa tuwing may mga pagkakataong maaari kang sumubok ng bago, pumatol ka. “Why not try the new instead of the unknown?” sabi sa video.
Bumenta sa akin ang konsepto kaya pinagnilayan ko kung ano nga ba ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Alam kong maraming mga bagay ang kailangan kong i-outgrow, at isa na roon ang pagiging risk-averse ko. Hindi ako lumalabas ng bahay, hindi ako naghahanap ng mga bagong kaibigan, at hindi ako sumusubok ng kahit anong bago — lahat ‘yan, dahil takot akong sumugal. Paano kung masaktan ako?
Pero alam kong hindi sustainable ang ganitong disposisyon sa buhay, kaya naman ang naisip kong theme para sa 2022 ay Year of Taking Risks. Sa tuwing nahuhuli ko ang sarili na pinipiling hindi gawin ang isang bagay dahil lang natatakot ako sa posibleng negatibong resulta, napapatitigil ako. Teka muna. Year of Taking Risks ngayon kaya dapat, kahit nakakatakot, dapat subukan ko.
Ngayong taon, mas madalas na akong lumalabas ng bahay. Mas madalas na rin akong umu-oo kapag may nagyayaya sa akin. Sumakay din ako ng eroplano, naglakwatsa sa ibang siyudad nang mag-isa, tumanggap ng promotion sa trabaho — mga ganyang eme lang naman, nothing wild. Ang pinaka-wild na siguro: hinayaan kong mahulog ako.
Ang Tipo Kong Lalaki
Nagkakilala kami sa isang dating app. Hindi sana ako papatol kasi wala siyang matinong litrato sa profile niya — isang bathroom selfie lang tapos picture ng aso, ng kompyuter, ng listahan ng mga paborito niyang banda. Walang kakuwenta-kuwenta, pero ni-like ko pa rin dahil, una, Pilipino siya. Ikalawa, software developer (daw) siya. Sa edad kong ito, sapat na sa akin ang magkaroon ng kasintahang Pilipino na may maayos na trabaho.
Ang una niyang tanong sa akin nang magkita kami sa totoong buhay ay kung sa anong wika kami mag-uusap. Marunong pa rin kasi siyang mag-Tagalog kahit dito na siya lumaki sa Canada. Nalaman ko ring musikero siya — kumakanta at tumutugtog ng gitara, piano, at drums — at mahilig ding magluto. Shet! Shet na malagket! Para bang nanumbalik ang pagiging dalaginding ko. Nasa kanya na kasi ang lahat ng mga (superpisyal na) katangian na kinagigiliwan ko.
Okay naman kami noong una. Kung tutuusin, ako pa nga ang mas alangan sa aming dalawa. Siya ang palaging nagyayayang lumabas; pumapayag lang ako kapag wala akong ibang plano. Pero siyempre, dahil nakatira tayo sa mundo kung saan malas sa pag-ibig si Jolina, hindi rin nagtagal bago bumalikwas ang dynamic namin. Kalaunan, ako na ang palaging nagti-text at nagyayaya. Kung dati mabilis siyang tumugon sa mga message ko, ngayon ilang araw pa ang lumilipas bago siya ulit magparamdam. Hay.
Kaya siguro ako gagang-gaga sa kanya kasi na-idealize ko siya sa utak ko, ‘no? Teenage dream e. Buong buhay ko, lahat ng mga nakilala ko sa Pilipinas na musikero, hindi man lang ako inanggihan ng kahit katiting na interes. Hindi naman kasi ako maganda. Hindi rin ako sexy. Hindi ako henyo at lalong hindi ako mayaman.
Sa madaling sabi, wala akong kayang iambag. Dito papasok ang anxious attachment style ko. Lagi’t lagi, mula pagkabata hanggang ngayon, pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat ibigin.
Self Love
Paano ba kasi mahalin ang sarili, mga mhie?
Iniisip kong maglista ng mga bagay na gusto ko tungkol sa sarili ko pero wala e. Lalo naman ngayon. Bagsak talaga sa impyerno ang self-esteem ko kaya napakahirap maging mabait at mabuti sa sarili.
Kung mayroon man akong maituturing na progress nitong mga nakaraang araw, iyon ay ang matagumpay kong pagpigil sa sarili na mag-message sa kanya kahit kating-kati akong i-message siya. Noong Huwebes ng gabi, halimbawa, nagtanong siya kung pwede siyang dumalaw sa bahay. Mabilis lang daw, sabi niya. Sabi ko sa susunod na lang kasi gabi na, itulog na lang niya. Kung nangyari ito two weeks ago, malamang g ako.
Nag-message ako sa kanya Biernes ng gabi, nangangamusta. Sumagot siya Sabado na ng hapon. Sabi niya busy siya sa pag-empake. Kinamusta niya rin ako (“Hbu?”) pero hindi ko na sinagot. “K have fun” lang ang sinabi ko. Nang tinanong niya kung nasa bahay lang ako, “yup” lang ang sagot ko. ‘Yun na ang huling palitan namin ng mensahe.
Pero kahit hindi ko na siya mini-message, maya’t maya ko pa ring niri-refresh ang Twitter page niya. Alam kong nagpagupit siya noong Sabado. Alam kong panay ang post niya ng selfie nitong mga nagdaang araw na para bang namimingwit ng papuri. Alam kong nag-tweet siya kanina na gusto na niyang matulog habang-buhay.
Alam ko ring balang araw, makakalimutan ko ring i-refresh ang Twitter page niya. Alam kong balang araw, lilipas din itong kagagahang ito. Ang hindi ko lang tiyak, kung magiging gaga ulit ako sa susunod na taong makikilala ko. Hayayay.
Ewan. Pwede bang pakibatukan n’yo ako, friends? Mayroon ba kayong maipapayo sa akin? Please naman o. 😦
Featured photo by Yen Phi.
okay lang yan at magiging okay ka rin, keep taking risks 🙂 https://www.youtube.com/watch?v=pXyGvqk-jhA
LikeLiked by 1 person
Salamaaaat. Ganda ng kantaaaa 🥺🥺🥺🥺🥺🥺
LikeLike
Sending virtual hugs Jolens! Take a break from social media for a while to avoid that feeling that you have to check that person’s page every now and then. 😉stay safe Jolens! 🙋🏻♀️
LikeLiked by 1 person
Ang hirap mag-Twitter break Rai! Hayyyyy. 🥺🥺 Stay safe ka diiin!!!
LikeLiked by 1 person
Kaya mo kayang i-adapt yung, “Kung ayaw mo sakin, mas ayaw ko sayo” mindset? Parang yun kasi ang nakatulong sakin nung ‘dalaginding’ pa ko. Hindi ko intensyon na ganun ang maramdaman basta automatic umiiral yung pride at ego ko pag ayaw sakin kaya mas naging madali para sakin. Sana makatulong kahit alam kong madaling sabihin pero mahirap gawin.
LikeLiked by 2 people
Ganito ako dati mamsh! Ewan ko anong nangyari sa akin recently. Siguro kasi matanda na ako? Tapos lahat ng kakilala ko kinakasal na kaya nauubusan na ako ng kaibigan na pwedeng mayayang gumala? Huhuhu. 🥺 Pero I’ll try my best to keep this in mind huhu. Salamat Glenice!!! 🥺🥺
LikeLiked by 1 person
Okay lang yan hindi rin naman maganda na madaliin ang pagiging okay. Basta ang sure ako, after a few years, tatawanan mo na lang ‘to 😊
LikeLiked by 1 person
Shet, excited na ako mag-cringe sa episode na ito ng buhay ko hahaha. Thank yoou! Also, ang aga mo magising! Hahaha 😆
LikeLiked by 1 person
Teka, babasahin ko ulit ito maya maya. Pero, meron bang iba pang maaaring mapusuan?
Baka pwedeng mag set ka ng deadline sa sarili mo tapos makipag-interact ka naman sa iba kasi baka meron pang iba diyan huhuhuhu
Pero bold of me to suggest na “baka meron pang iba” eh samantalang 7 years akong gagang gaga kay Kyx noon diba hahaha
LikeLiked by 2 people
Isles!!!!! Huhuhuhu. Sigi sigi magset ako ng deadline. May mga iba pa akong kinakausap pero nilaglag ko sila bigla nung nagsimula akong magpakagaga haayyyy. Pero yea, true, kailangan ko nang kumausap ng iba. Salamat Isles!!! Mishooooo!!!🥺🥺
LikeLike
Abangers ako ng mga ganitong entries Jolens! So nung nabasa kong pt. I yung nauna, nacurious na agad ako sa pt. II. Ang tanging masasabi ko lang, it’s aalll normaal mamsh! Ganyan na ganyan ang mga taong nadadali ni kupido. Lahat ng sinabi mong hinding-hindi ka magiging clingy, lulunukin mo lahat. Ang benefit lang nasa pag-ibig mode ka ay pansamantala mong nakakalimutan ang mga kina-iistressan mong ibang bagay. So i think, win-win din kahit paano?
LikeLiked by 1 person
Aaaaaahhh! Nakakainisss!!! Nauwi din ako sa pagiging lukaret sa pag-ibig huhuhuhu. Hindi ko sure kung benefit nga ‘yun kasi tambak na ‘yung backlog ko sa trabaho pero I guess this iz it. It’s a sign. Kailangan ko nang matauhan huhuhuhuhuhu 🥺🥺🥺🥺
LikeLike
Before ko basahin ang Attached III (Episode 3 na pala????). Baka naman daw ito talaga yung binigay ni universe na panandaliang segwey sa buhay. Like puro ka nalang daw work at real life problems, so kaunting heartbreak naman daw pandagdag spice. I guess before ko malaman na nagmessage na sya sa ep. 3 (pinanindigan talaga ang episodes haha), tandaan na bihira lang ang mga chance na ituu sa buhay esp sa ating mga homebuddies, so let’s have fun nalang and enjoy the feeling! Easier said than done, I know!
LikeLiked by 1 person
Omg truuuue! That’s one way of looking at it!! Mabuti nang meron kesa wala choz, pero mesheket pa rin sa ego mhie. Pero woo, kaya ko ‘to! Hindi ko ikamamatay ‘to! Hahahaha. 😀
LikeLiked by 1 person