magtagalog tayo, para maiba naman

Kanina, pagkatapos ng isa na namang araw sa trabaho, nagpasya akong maglakad papunta sa isang park malapit sa opisina. Sakto, kasi papunta rin doon si L para magbisikleta.  

Pwede sana kaming mag-bike nang sabay, kaso masakit ang kanang paa ko. Parang may naiipit na ugat sa may bukong-bukong tuwing nagkakamali ako ng paghakbang (kahit hindi ko naman alam kung may tama o maling porma ba ng paghakbang). Kaninang umaga ko lang ito naramdaman kaya posibleng wala lang ito, panandaliang kirot lang na maglalaho rin bukas. 

Pero ‘ayun na nga. Sa ganitong lagay, wala ako sa wisyong mag-bike. 

Hindi na rin naman masama ang maglakad. Buong araw na akong nakaupo at nakatitig sa screen — mas maigi nang magliwaliw sa labas at magpapawis, kaysa naman muling magpainit ng puwet sa bus, o makipagsiksikan sa tren.

Tuwing hapon, pagsapit ng alas kwatro, umaalagwa mula sa bunganga ng mga parking lot ang dose-dosenang mga sasakyan. Nagiging barado ang kani-kanina lang ay malawak na daan. Sa paanan ng mga nagtataasang gusali, tuloy-tuloy din ang pag-ikot ng mga revolving door habang isa-isang lumalabas ang mga empleyadong nakasuot ng mga de-kuwelyong damit at blazer. Nagsasanga-sanga ang landas ng mga tao sa sentro ng lungsod, at karamihan ay nagtatagpo sa mga istasyon ng tren o hintayan ng bus.

Madalas, nakatayo at nakatanghod din akong kagaya nila habang naghihintay ng masasakyan pauwi. Pero ngayon, dahil maganda ang lagay ng panahon, hayun ako’t naglalakad sa sidewalk papalayo sa balisang sentro ng komersyo. 

Nang magkita kami ni L malapit sa park, iniabot niya sa akin ang runner shoes ko na binitbit niya pa mula sa bahay. Nagpalit ako ng sapatos, para naman kahit wala akong balak tumakbo, kumportable pa rin ang bawat hakbang ko. 

Pumasok si L sa park sakay ng kanyang bike. Naglakad din ako papasok sa park kung saan mas malawak ang mga daan, bawal ang mga sasakyan, at may hiwalay na lane para sa mga nagbibisekleta. 

Malaki ang park, at maraming bahagi nito ang maaaring tambayan. Nagkataon, napadpad ako sa isang sulok na may lima o anim na upuan — pula at matitingkad na mga upuan. Mula sa puwesto ko, rinig na rinig ko ang isang busker na naggigitara at kumakanta ng cover songs sa mikropono (if I lay here…if I just lay here…).

Kung may dala akong barya, siguro binigyan ko siya ng kahit isang toonie.

Hindi lang ako ang mag-isang nakatambay sa area na iyon. May lalaking nagbabasa ng libro. May magkasintahang magkadikit ang balikat habang nag-uusap. May babaeng mag-isa at nakatungo sa kanyang cellphone.

Hindi ako. Siya.

Maya-maya, may naamoy akong mabango. Parang ulam. Teriyaki siguro. Hindi ko matiyak kung ano, pero pasimpleng natakam ang sikmura ko. Nang mapalingon ako sa gilid, napansin ko ang isang ale na nakaupo at nakasandal din sa upuan kagaya ko. Pero hindi gaya ko, kumakain siya ng sushi habang nakatitig sa mga puno at sa umaagos na ilog. Sarap ng buhay!

Maginaw ang hampas ng hangin, pero hindi ito masakit sa balat. Presko ba, ‘yung tipong ang sarap langhapin nang malalim at nang paulit-ulit. Maulap din ang langit, pero masisipat pa rin ang sikat ng araw sa pagitan ng matatambok na ulap. Hindi gaanong maliwanag, pero may liwanag.

Umuwi kami ni L pagkatapos niyang mag-bike at pagkatapos naming maghapunan. Ayon sa weather forecast, uulan na ulit bukas. Posible ring bumagsak muli ang snow sa mga susunod na araw.

Hindi ko alam kung kailan muling magiging maaliwalas ang panahon. Maghihintay ako, kung kailan man iyon. 

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.