SALAMAT KAY Juvie sa pagnomina sa akin.
Kagaya ng ibang award, simple lang ang panuto: magpasalamat sa nagnomina, maglista ng pitong bagay tungkol sa sarili, at magnomina ng iba pang blogger.
Rebelde mode ako ngayon kaya naisip kong magsulat ng pitong opinyon tungkol sa drug war. Hindi na rin ako magnonomina ng ibang blogger at baka matakot pa sila.
Handa rin akong makinig sa opinyon ng iba. Kinikilala kong may mga tinatamasa akong pribilehiyo na maaaring nagpapapurol sa kapasidad kong magsuri. Gayunman, huwag sanang iikot ang mga puna sa, “hindi ka kasi tagarito.” Matagal nang may krimen at may mga adik — Tondo na ang Tondo kahit noong nasa Pilipinas pa ako. At sa tingin ko, may karapatan din namang magkuro kahit ang mga migrante at OFW.
1.
Tutol ako sa state-sanctioned na pagpatay sa mga pinaghihinalaang pusher o user ng droga. Nakareserba ang due process para lamang sa mayayamang akusado (hal. Paolo Duterte at Joshua Arroyo) samantalang walang hinihinging ebidensya o patunay kung maralita ang pinaghihinalaan. Hindi ito makatao at lalong hindi ito patas.
2.
Hindi porke’t kinukundena ko ang mga masaker, suportado ko na ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga adik. Sa lohika, mayroong tinatawag na “false dichotomy.” Hindi lang dadalwa ang posibleng posisyon, at walang panuntunang nagbabawal na tumutol tayo sa lahat ng uri ng abuso, pulis man o adik ang kumalabit sa gatilyo.
3.
Ano man ang opinyon mo sa drug war, marapat pa ring kundenahin ang kawalan ng maayos na metodolohiya ng kapulisan. Nauuwi ang proseso sa arbitraryong pagpili ng mga target. Sa puntong ito, iwaksi na natin ang ilusyon na walang dapat ikabahala ang mga taong wala namang ginagawang masama.
4.
Sana may patunguhan ang isinampang kaso ng IBP laban sa mga berdugong pumatay kay Kian delos Santos. Naniniwala akong dapat panagutin ang mga mapang-abusong pulis kasabay ng pagpapanagot sa mga makapangyarihang personalidad sa likod ng drug trade. Walang silbi ang ground operations kung patuloy namang iiral ang mga kartel na nagsu-supply ng shabu sa bansa.
5.
Sinusubukan kong hindi marindi at mauyam sa mga bulag na fanatic ni Duterte. Nauunawaan ko naman kung bakit may ilan sa atin na handang tanggapin ang karahasan at mga pang-aabuso kung para naman ito sa ikabubuti ng bayan. Kailangan lang yata talaga ng matindi-tinding pagpapaliwanag (at pagpapakumbaba) upang makumbinsi ang ilang tao na hindi sa lahat ng pagkakataon, tama ang pangulo at ang mga alipores nito.
6.
Natutuwa at natatawa ako sa Dunning-Kruger Effect, isang konsepto sa sikolohiya tungkol sa cognitive bias ng mga tao na “unskilled and unaware of it.” Sabi pa sa abstract ng pag-aaral, “These people reach erroneous conclusions and make unfortunate choices, but their incompetence robs them of the metacognitive ability to realize it.”
Alam n’yo sino una kong naisip? Si Mocha Uson.
7.
Hindi naman ako imbyerna kay Mocha Uson bilang tao. Hindi lang talaga ako sang-ayon sa marami niyang hanash, mula sa pagpapalaganap ng mga maling dikotomiya (dilawan vs. ka-DDS), tungo sa pangungutya niya sa kahalagahan ng peryodismo (she’s “not-a-journalist”).
Bagamat may merit ang ilang puna ni Mocha laban sa mainstream media, naniniwala akong kailangan niya ring matutong umunawa sa konsepto ng media accountability. Kung may pagkakamali, huwag nang magpalusot — kilalanin ang sariling pagkukulang, humingi ng paumanhin, at ilahad ang tamang ulat.
‘Ayun lamang powhz, bow.
PS. Dito ko nakuha ang logo ng award.
Leave a reply to Alona Cancel reply