NAUUSO YATA ANG mga pelikulang lunsaran ng mga personal na danas at hanash ng mga batang direktor. Cinema as self-expression, ika nga, at ang layunin ay ang maantig ang puso ng madla dahil unibersal naman ang tamis at alat at pait ng naunsyaming pag-ibig.
Sa ganitong framework ko nakikita ang I’m Drunk, I Love You ni JP Habac. Hindi kailangan ng extensive research upang mabuo ang kwento nina Carson at Dio, matalik na magkaibigan ngunit palihim na iniibig ng babae ang lalaki.
May sariling vibe ang IDILY kahit gasgas na ang premise nito. May road trip at indie hymns na nakasalansan sa naratibo at may mga eksena ring pang-music video ang hitsura at haba. Cool at hip, pero hindi pretensyoso. Swak ang aesthetics ng pelikula sa panlasa ng target demographic nito: ang nakababatang bahagi ng populasyon na may prebilehiyong tumuntong sa kolehiyo at magwaldas ng pera sa beer.
Tipikal man ang temang tinatalakay, malay pa ring sinalungat ng IDILY ang ilang cliché na karaniwang kalakip ng Pinoy romcom. Walang obligatory happy ending at may sariling story arc din ang baklang best friend ni Carson na si Jason Ty.
Tokenistic nga lang ang kwento ni Jason. Ang pangunahing papel niya pa rin ay ang magbigay-komento sa buhay ng mga bida at magbitiw ng prompts upang ilahad ni Carson ang kasaysayan nila ni Dio. Vehicle for exposition lang si Jason kumbaga, at wala rin siyang malaking ipinagkaiba kina Nikki Valdez at Dimples Romana.
Marupok din ang karakterisasyon ng mismong mga bida. Walang malinaw na pagkatao si Carson labas sa pag-ibig niya kay Dio. Wala ring paliwanag kung bakit gusto pa rin ni Dio si Pathy, ang tauhang sobrang nipis ng pagkakasulat walang sinabi ang kamison ni Osang noong 90’s. Maging ang fixation sa extra ‘h’ ni Pathy ay naging comedic device lang at wala man lang pasakalye sa pagkatao ng dalaga.
Labas kay Pathy, matagumpay na naipinta ng IDILY ang takot at pagkalito ng kabataan ukol sa mga bagay na walang katiyakan. Tinalakay ng kwento ang pagharap sa realidad ng bukas, mula sa pagtatapos sa kolehiyo (“Anong plano mo sa future?”), pag-amin sa itinatagong damdamin (“Mahal kita, seven years na.”), hanggang sa pagpasok sa mga hindi kumbensyunal na relasyon (“Threesome?”). Inilarawan din ng pelikula ang pagnanais na manatili sa mga transisyunal na sandali habang hindi pa absoluto ang hinaharap (“Five minutes pa…”).
Instrumental ang pagtoma sa IDILY bilang paraan ng pagpapaliban sa hinaharap. Ngunit bukod sa pagiging coping device, hindi gaanong napiga ng pelikula ang complexity ng inuman at ng pagkalango sa serbesa. Sabi nga ng isang kaibigan, “Wala na ba silang ibang pinag-uusapan kundi mga sarili nila?”
“Natural” at nakakatawa ang mga dayalogo ngunit kulang ito sa laman. Uminog lamang sa internal na sigalot ang tensyon, ni walang introspection o malalim na pagkilala sa mga external sa salik na humubog sa damdamin at disposisyon ng mga bida, lalo na ni Carson.
Ang kalakasan lang ng mga linya ay ang pagsasawika nito sa pangangailangan ng kolektibong pag-igpaw sa kaisipang “hugot.” Hindi gaya ng ibang saksak-puso blockbuster, hinihimok tayo ng IDILY na umusad at umunlad — “time check,” mga baks, dahil panahon na para “grumadweyt” sa kakornihan at defeatism ng hugot attitude.
Sa huli, kasiya-siya ang IDILY bilang pelikulang nagsasalamin sa karanasan ng pag-ibig na hindi nasuklian. Marami itong kahinaan at pagkukulang, ngunit kung ang tunguhin ng manonood ay matawa, maluha, at magtuklap ng langib ng pusong minsang nasugatan — ah eh, pwede na. #
Dito ko nakuha ang featured image. At kung nagustuhan ninyo ang I’m Drunk, I Love You, subukan n’yo rin ang Drinking Buddies ni Joe Swanberg.
Leave a reply to potechibaby Cancel reply