Bago ako magsimulang kumuda tungkol sa buwan ng Hulyo, ikukuwento ko muna na kanina, araw ng Linggo, bandang alas siete ng umaga, nagdilim ang paningin ko at nawalan ako ng malay. Gutom na gutom kasi ako.
N’ung Biernes pa ‘yung huling kain ko, pananghalian na shawarma mula sa isang restaurant malapit sa opisina. Biernes ng gabi dumaan lang ako sa mall at bumili ng ice cream (isang cup ng white chocolate with raspberry!). Kahapon naman, Sabado, nagkape lang ako buong araw. Balak ko naman talagang mag-almusal kaninang umaga, pero ‘ayun na nga, hinimatay ako. Nang magising ako sa sahig ng kusina kung saan ako bumagsak, kumain agad ako ng tsokolate at pumasok sa kwarto para humiga at magpahinga. Hayayay.
Pero ayos naman na ako ngayon. Namalengke na ako kanina, okay na. Susubukan ko na lang siguro na hindi magpagutom ulit. Hmm.
So mabalik tayo sa Hulyo. Ano nga ba ang nangyari n’ung Hulyo?
Medyo marami akong post n’ung nakaraang buwan, na ang ibig sabihin e wala talagang masyadong naganap sa totoong buhay. Maraming gawain, maraming tasks sa trabaho, pero ano namang bago d’un? Hay.
N’ung nakaraang buwan may fiesta dito sa Siyudad Kung Saan Ako Nakatira. May rides, may concerts, may food trucks at kung ano-ano pa. Dumaan ako sa fair grounds kasama si H pero umuwi rin kami agad. Boring e. Sabi sa akin ni H ang payat-payat ko na raw. Sabi ko sa kanya hindi kasi ako kumakain. Marami siyang mungkahi kung pa’no ko mapipilit ang sarili na kumain, pero alam naman niyang hindi rin ako makikinig.
“You need someone who would put a gun to your head and force you to eat, don’t you?” sabi niya. Siguro nga tama siya.
Dadalaw rin dapat ako sa bahay ng mga magulang ko n’ung Hulyo pero laging hindi natutuloy. Maulan kasi sa kanila, tapos ayaw naman nilang magmaneho ako tuwing maulan sa highway. Ako naman tinatamad ding magmaneho nang tatlong oras kaya ‘yun, hindi na ako umuwi. Sayang nga lang kasi may libreng masarap na pagkain pa naman sa bahay. Hay.
Naka-apat na pelikula rin ako n’ung nakaraang buwan. ‘Yung Ulan, napanood ko na noon pa. Unang beses kong mapanood n’ung Hulyo ang Sakaling Maging Tayo, Ang Kwento Nating Dalawa, at Endo. Ang ganda ng Endo!
Dalawang manipis na libro lang ang nabasa ko n’ung Hulyo: Twisted 9 ni Jessica Zafra at Malamig ang Gabi sa Sitio Catacutan ni Tony Perez. Balak kong magbasa ng mga akdang Pinoy ngayong Agosto. Masabi lang, ganyan.
May ilang kanta rin akong nadiskubre kamakailan na gusto kong ibahagi rito. Baka magustuhan n’yo rin, malay natin.
Sa riles ko nakita
Mula sa “Lumang Comedy” ni Kyle Anunciacion
Ang hari ng komedya
Pagmamahal ni Enteng
Sa magandang engkantada
Natutong mambola
Palibhasa lalaki ka
At sa Oki Doki Doc
Ang puso mo’y kay Aga tumibok
You can’t compete
Mula sa “No Yellow” ng Stomachine
With that kind of proximity
It’s so natural
Yet so unhealthy
I guess there’s certain dreams that you gotta keep
Mula sa “Saturday Nights” ni Khalid
‘Cause they only know what you let ’em see
Hmm, ano pa ba? Wala na, ‘yan na muna. Pangako (sa sarili) na kakain na ako nang mas madalas ngayong Agosto. Sana ikaw din, kung sino ka mang nagbabasa ng post na ito — subukan mo ring alagaan ang sarili mo. Naks. 🙂
Leave a reply to Krishel Cancel reply