Ang Titi ng Santol

MINSAN, NOONG mga siyam o sampung taong gulang ako, nagsimba ako sa parish church ng bayan namin kasama ang kapitbahay naming si Nana Beth. Hinding-hindi ko makalilimutan ang homily noong hápong iyon.

“Ang sermon ta ngunyan na aldaw,” panimula ni Father, “ay manungod sa pisót kan santol.” Ang sermon daw para sa araw na iyon ay tungkol sa pisót o sa titi ng santol.

Nagtaka ako. Pisót? Okay lang ba na magsabi si Father ki “pisót” sa loob nin simbahan?

Sa tuwing binabanggit ni Father ang salitang pisót, tinitingala ko si Nana Beth at hinihintay ang pagdilat ng mata o pagtakip ng bibig o kahit anong senyas ng pagkabigla — pero wala. Walang pagbabago sa mukha at postura ni Nana Beth. Masigid pa rin ang tingin niya kay Father, tuwid pa rin ang pagkakaupo at mahinahon pa rin ang pagpaypay niya sa hawak na abaniko.

Nilibot ko ng tingin ang buong simbahan. Siksikan ang mga tao. Nakasuot sila ng bestida o kamisetang may kuwelyo at, kagaya ni Nana Beth, seryoso at pormal din ang asal ng lahat para sa banal na oras ng Linggo.

Tila ako lang ang litong-lito sa mga sinasabi ni Father. Naguguluhan ako, hindi lang sa pagbanggit niya sa salitang “pisót,” kundi sa mismong konsepto ng titi ng santol. Bilog ang prutas ng santol, hindi ba? Aling bahagi kaya nito ang tinutukoy ni Father na titi?

Pagkatapos ng misa at pagkauwi sa bahay, nagbuklat agad ako ng encyclopedia at hinanap ang litrato ng anatomiya ng prutas. Ang pinaka-posibleng titi ng santol, batay sa aking research, ay ang peduncle. Ito ang maikling sanga na nakausli sa bumbunan ng bunga ng santol.

Pero bakit sinabi ni Father na, gaya ng santol, ang pinakamahalagang bahagi raw ng tao ay nasa panloob at wala sa panlabas na katangian? May iba pa bang titi ang santol sa loob nito?

Hindi ko na tinanong si Nana Beth o ang mga magulang ko kung ano nga ba ang ibig sabihin ng sermon ni Father. Nahiya ako. Baka pagalitan pa nila ako kapag inulit ko nang malakas ang salitang “pisót” — e hindi naman ako pari.

Ilang araw pa ang lumipas bago ko napagtagpi-tagpi ang ibig sabihin ng nasabing sermon. Eureka!, naisip ko. (Natutunan ko rin ang salitang eureka sa encyclopedia, sa entry tungkol kay “Archimedes.”) Nang sinabi ni Father na, “Maliit lang an pisót pero pwede ini magdakula asin magbunga,” ang binibigkas niya talaga ay “pisóg” at hindi pisót. Butó pala ng santol, hindi titi. Nabingi lang ako.

Nang mag-click sa utak ko ang nais sabihin ni Father, para akong uminom ng malamig na malamig na tubig matapos ang buong araw na pakikipaghabulan at pakikipaglaro sa ilalim ng alinsangan ng araw.

Hindi naman ako naging sagradong relihiyosa pagkatapos ng araw na iyon. Hindi ko na rin maalala kung nasaan ako o kung ano ang ginagawa ko nang maisip kong pisóg talaga at hindi pisót ang tinutukoy ni Father. Puwedeng nakikipaghabulan nga ako sa labas, pero palagay ko nasa bahay lang ako — bakasyon, walang mapanood sa TV, kaya nagbabasá ng encyclopedia.


Ang litrato ng sculpture ay mula kay T. Selin Erkan ng Unsplash. Ako ang naglagay n’ung red na bilog. Wala akong mahanap na libreng litrato ng santol kaya ako na rin ang gumuhit n’ung drawing.

7 Comments

  1. Thea

    Hahahahahahhaha shet baks. Alam mo minsan may mga ganyang ganap din ako sa buhay eh. Yung nabingi lang pala ako tapos ang tagal kong bothered haha. Wala lang.
    Also muka siyang santol (yung drawing!) ❤️

    Liked by 1 person

  2. rAdishhorse

    Mukhang santol naman baks. Mali lang pagkakabiyak mo. Usually iniipit ang santol sa dalawang kamay at sa pagitan ng hita para mabiyak. Minsan tumatalsik yung pisot… este pisog. Pwede rin naman na gumamit ka ng kutsilyo sa drawing mo. Pero usually pag may kutsilyo, tatalupan mo sya ng buo. Tapos tatadtarin mo sya (torture) hanggang mag square square yung balat nya. 😄

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.