1.
May tendensiya akong magpanggap na bobo. Hindi ko sinasadya. Hindi ko ito ginagawa para magpakyut, o magmukhang inosente, o magpapansin. Nangyayari na lang. Reflex, kumbaga.
2.
Boss: Ang saya-saya ko na bumalik ka na mula sa bakasyon mo! Na-miss namin ang husay mo!
Ako: Po? Umm…ahh…salamat po?
Boss (kausap ang buong team): Klaro ba? Kung naguguluhan kayo, ‘wag kayong mag-aalala, kuhang-kuha ‘to ni Jolens!
Ako (habang tahimik na nananalangin na sana lapain na ako ng lupa): Actually po parang hindi po masyado?
Ako (pagkatapos ipaliwanag ang isang bagay na tiyak kong tama at malinaw): Tama ba? Malinaw ba?
3.
Teorya 1. Nagbobobo-bobohan ako dahil natatakot akong madismaya ang ibang tao, lalo na ‘yung mga taong naniniwala na mahusay ako. Mas maigi yata kung iisipin nilang tanga ako, tapos saka ko na lang patutunayan na — sakto lang. Hindi tanga, hindi bida. Sapat lang.
Teorya 2. Nagbobobo-bobohan ako dahil ayaw kong dumami pa lalo ang ginagawa ko. Tumatalima lang ako sa abiso ng mga nakatatanda: ang taong masipag ay taong pagod. Nakakatamad mapagod. Nakakapagod mapagod. (O, sa ibang sabi: ayos lang mapagod basta’t may katumbas na karampatang pasuweldo at makataong sistemang panlipunan para sa lahat — e wala.)
4.
Ano ang tamang pagbaybay sa nagbobobo-bobohan? Walang gitling? Nagbobobobobohan. Kung may gitling, saan? Nagbo-bobobobohan. Nagbo-bobo-bobohan. Hmm.
5.
Ano’t ano man, palagay ko e hindi pa rin tama na nagbo-bobo-bobohan ako. Naiirita ako sa sarili ko. Kailangan kong maging mas natural, mas totoo, kahit man lang sa konteksto ng trabaho. Kung hindi ko alam, hindi ko alam. Pero kung alam ko, alam ko. Sasabihin ko. Yes, boss, mas paghuhusayan ko pa po. Yes, boss, malinaw po. Yes, sir, sigurado po ako.
6.
Nagsasaing nga pala ako. Luto na, kapipitik lang ng switch ng rice cooker. Gutom ba ako? Oo. Ikakamatay ko ba kung ipagpapabukas ko na lang ang pagkain? Hindi. Gabi na, pasado alas dies. Bukas na ako kakain.
Kuha ni Max Letek ang litrato.
Leave a comment